Sugatan ang isang bumbero at isang 75-anyos na person with disability (PWD, habang mahigit sa 300 pamilya ang magpa-Pasko sa covered court matapos sumiklab ang isang sunog na umabot hanggang kahapon ng madaling araw sa Capulong,Tondo, Maynila.
Ayon sa ulat ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog alas 9:49 Martes ng gabi sa ikalawang palapag ng bahay ni Roger at Ine Gloria sa 1914-21-C2 Capulong St., corner Lacson st.,Tondo, Maynila.
Umabot sa ika-limang alarma ang sunog at idineklarang fire under control alas- 12:25 ng madaling araw.
Isinugod naman sa Tondo General Medical Center ai FO1 Philip Chua, 25 dahil sa hiwa sa kanang palad at si Julieta Rodemo, na nagtamo naman ng ‘superficial burn’ sa kanang hita.
Itinaya rin ng BFP na nasa 1.5 milyon ang halaga ng mga napinsalang ari-arian.
Napag-alaman na patuloy na iniimbestigahan ni Fire Arson Investigation SFO2 Roderick Andres ang sanhi ng sunog.














