Patay sa saksak ang isang ‘mangangalakal’ matapos mapikon ang lalaki na kanya diumanong binully habang sila ay kapwa nangunguha ng mapapakinabangan sa bunton ng basura, Martes ng gabi sa Onyx Street, Sta. Ana,Maynila.
Ang biktimang si Allan Yson,45, ng No.1661 Familia Sagrada St., San Andres Bukid, Maynila, ay nasawi dahil sa tama ng saksak sa kaliwang dibdib, habang tumakas naman ang suspek na si Fernando Murillo,alyas Bisaya.
Sa imbestigasyon ni PCMS Boy Niño Baladjay ng Manila Police District -homicide section, naganap ang insidente pasado alas- 9 ng gabi sa nabanggit na lugar.
Sinabi ng isang saksi sa pulisya na magkasama umano sila ng biktima na nangangalakal nang magkita sila ng suspek na noon ay nangunguha din ng mapapakinabangan na kalakal.
Habang nangangalakal ay sinimulan umano ng biktima na i-bully ang suspek gayunman, naawat ang dalawa at umalis ang suspek.
Lingid sa kaalaman ng biktima ay kumuha ng patalim ang suspek at nang bumalik ay kaagad na inundayan ng saksak sa kaliwang dibdib ang nagulat na biktima, bago mabilis na tumakas.
Agad na isinugod sa pagamutan ang biktima pero di na ito naisalba ng mga doktor.