Patay ang isang 41-anyos na ‘buko helper’ matapos araruhin ng saksak ng kanyang kasama na kanyang inasar diumano, matapos na masugatan ang kamay habang nagtatalop ng buko, kamakalawa ng umaga sa Asuncion St. Tondo, Maynila.
Naaresto naman ang suspek na si Jayson Macahilig,alyas Michael ,22, ng mga rumespondeng barangay tanod at saka ito itinurn-over kalaunan sa Manila Police District -homicide section.
Sa imbestigasyon ni PCMS Joseph Kabigting ng MPD-homicide section, nagsimula ang away ng biktimang si Elorde Alzacaren at suspek nang aksidenteng mataga ng suspek ang kanyang kamay habang nagtatalop ng buko, alas- 9:30 ng umaga.
Binigyan naman ang suspek ng pera ng kanyang amo para bumili ng gamot pero nang madaanan ang biktima ay inasar nito ang suspek at sinabihan pa ng, “Ano Michael?”.
Dito na nainis ang suspek at sinugod ang biktima. Namagitan naman ang isang ‘Ronie Sibuyan’ para maawat ang dalawa.
Gayunman, muling sumugid ang suspek na armado na ng patalim at pinagsasaksak ang biktima.
Sa kabila nang may tama na ng saksak, nakatakbo pa rin ang biktima pero hinabol ng suspek at nang maabutan ay muling inararo ng saksak.
Nang makitang napuruhan na ang biktima ay kaswal na lumayo ang suspek pero nasalubong ang mga rumespondeng barangay tanod kaya ito naaresto.
Isinugod sa ospital ang biktima pero hindi na umabot nang buhay.