HINDI bababa sa 50 kabahayan ang nasira sa pananalasa ng buhawi sa dalawang lugar sa lalawigan ng Iloilo kahapon ng umaga.
Sa ulat ng local Office of Civil Defense, dalawang magkahiwalay na buhawi ang naitala sa bayan ng Oton, Iloilo at sa Iloilo City Martes ng umaga.
Nasa 39 kabahayan ang nasira sa mga barangay ng Santo Domingo at Santa Cruz sa Iloilo City, habang sa ulat ng Iloilo City Social Welfare and Development Office, 15 bahay ang ‘partially- damaged’ at anim ang ‘totally- damaged’ sa Barangay Santo Domingo.
Samantala, sa Santa Cruz, sinasabing may 12 kabahayan ang naitalang ‘partially- damaged’ habang anim ang ‘totally-damaged’, bukod pa sa mga nagtumbahang poste ng kuryente .
Isang residente rin ang naiulat na nasaktan matapos mabagsakan ng puno ng mangga ang kanilang tinitirhan.
Sa Oton, nasa 15 bahay ang nasira sa Barangay Alegre at ilang puno ang bumagsak bunsod ng ilang minutong pananalasa ng buhawi.
Kaugnay nito ay agad na pinakikilos ng lokal na pamahalaan ang kanilang DSWD office at city disaster Risk Reduction Management Office para matukoy ang laki ng pinsalang dulot ng buhawi. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)