By: MARK ALFONSO
DINEPENSA ng Department of Budget and Management (DBM) ang P1.4 bilyong budget proposal para sa susunod na taon na biyahe ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.,
Sa press briefing sa Palasyo, inihayag ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na gagamitin ang nasabing pondo para manuyo ng mga investors para sa Pilipinas.
Nabatid na hiniling ng Office of the President ang P1.408 bilyong badyet para sa local trips, foreign missions at state visits para sa taong 2024 na mas mataas kumpara sa P893 milyon na hiningi ngayong taon.
“Iyong travel po ng Presidente, dalawa pong klase iyan – mayroon pong state visit that they invite you and then mayroon din po iyong mga investment road show,” wika ni Pangandaman.
“So, I think iyong expenses po ng travel, as long as it will be beneficial and mas may advantage po para sa bansa natin, I think okay lang po iyon – it’s justified,” paliwanag pa ng kalihim.
Binanggit pa ng budget chief na sumasama ang mga miyembro ng Gabinete at iba pang opisyal ng gobyerno upang ipakita sa ibang mga bansa ang Pilipinas bilang isang investment hub.
Matatandaang sinabi ni Trade Secretary Alfredo Pascual noong unang bahagi ng Hulyo na humigit-kumulang $88 milyon (4.84 bilyon) ang halaga ng mga investment pledges mula sa mga biyahe sa ibang bansa ng Pangulo ay maaaring magkatotoo ngayong taon.
Nabatid na 14 overseas trips na ang naging biyahe ng punong ehekutibo kung saan ang pinakahuli ay ang kanyang 3-day state visit sa Malaysia.
Nitong Pebrero, ang mga naturang biyaheng ay nagbunga nang kabuuang P3.48 trilyon o $62.926 bilyon na halaga ng investment pledges na sumasakop sa 116 na proyekto ayon pa sa Palasyo.