Latest News

BUCOR OIC DEADMA SA PARATANG NA ISA SA NAGPABAGSAK SA DATING PANGULONG MARCOS

Sinabi ni Bureau of Corrections (BuCor) OIC Director General Gregorio Catapang Jr., malinis ang kanyang konsensya at hindi siya apektado sa mga paratang na ipinupukol sa kanya ng sinuspinding BUCOR chief Gerald Bantag.

Hindi nagpatinag si Director General Gregorio Catapang sa mga akusasyon laban sa kanya ni suspended BuCor Chief Gerald Bantag.

Magugunitang una nang inakusahan ni Bantag si Catapang na isa sa mga nagpabagsak sa rehimeng Marcos.

Bukod dito ay sinasabing sablay din ang pamumuno ni Catapang sa Armed Forces of the Philippines (AFP) noong panahon ni Pangulong Noynoy Aquino.

Agad na pinabulaanan ni Catapang ang paratang ni Bantag na ang mga iniluklok ngayon sa BuCor ay pawang may mga pending na kaso.

Samantala, kaugnay sa pagkamatay ng sinasabing middleman sa Percy Lapid slay case sa loob mismo ng New Bilibid Prison ay ipinag utos ni Catapang na magsagawa ng Oplan Greyhound sa loob ng National penitentiary at sa iba pang piitan na nasa ilalim ng Bucor.

Target ng pag galugad sa loob ng Bilibid ang mga electronics equipment at mga communication gadgets na posibleng ginagamit sa mga illegal transaksyon sa loob ng kulungan.

Aabot sa halos 12,000 piraso ng kontrabando ang nakumpiska ng mga tauhan ng BuCor sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa .

At kabilang sa mga nakumpiska at isinukong kontrabando ay mga armas, cellphone, laptop, droga, at libu-libong lata ng beer.

Agad din ipinag utos na ipasuri sa mga cyber forensic expert ang napakaraming cellphone na nakumpiska upang malaman kung meron ditong ginamit ng alleged middleman sa Percy Lapid murder case.

SAmantala hindi umano manghihimasok ang Department of Justice (DOJ) sa plano ng pamilya ng pinaslang na radio broadcaster na si Percy Lapid na kasuhan sa Ombudsman si suspended Bureau of Corrections Director General Gerald Bantag.

Sinabi ni Justice Sec. Crispin Remulla na karapatan ng pamilya Mabasa kung sino ang kanilang kakasuhan lalo na kung sa akala nila ay makakahanap sila ng hustisya.

Una nang sinabi ni Atty. Bert Causing, abogado ng pamilya Mabasa, na magsasampa sila sa Ombudsman ng kasong administratibo laban kay Bantag dahil sa pagkamatay ng middleman na si Jun Globa Villamor.

Maituturing aniyang kapabayaan ni Bantag bilang Director ng Bureau of Corrections (BuCor) na protektahan ang posibleng star witness sa krimen, ani Atty Causing na una nang sinuportahan ni PNP-NCRPO chief PBGEN. Jonnel C Estomo.

Posibleng bukas, Biyernes o Lunes isampa ng pamilya Mabasa ang kaso sa Ombudsman laban kay Bantag. (VICTOR RUIZ BALDEMOR)

Tags:

You May Also Like

Most Read