By: Tony Gildo
Naglabas ng babala ang Bureau of Corrections (BuCor) sa publiko at mga prospective applicants tungkol sa dalawang recruitment websites na nagpapanggap bilang opisyal na online platform nito.
Ang pag-alertong ito ay naglalayong pigilan ang mga indibidwal na maging biktima ng scam mula sa mga pekeng site na nagpapanggap bilang lehitimong e-recruitment system ng BuCor.
Binigyang-diin ni BuCor Director General Gregorio Pio Catapang, Jr. ang kahalagahan ng pagsasagawa ng lahat ng recruitment transactions ‘exclusive’ sa opisyal website ng BuCor, bucor.gov.ph, o iba pang awtorisadong communication channels.
Idinagdag pa ni Catapang na ang pagpaparehistro ay pinangangasiwaan ng Hostinger Operations, UAB.
Parehong nakumpirma ng mga departamento ng Recruitment at IT ng BuCor na ang mga website na ito ay mapanlinlang at wala umano silang koneksyon sa mga platform na ito.
Pinaalalahanan ni Catapang ang publiko na maging ‘aware’ sa mga pekeng recruitment sites na nagdadala ng malalaking panganib, kabilang ang pagnanakaw ng personal data, financial exploitation at maling impormasyon.














