Sinuspindi ng 90 araw ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla si Bureau of Correction (BuCor) Director General Gerald Bantag kaugnay sa pagkamatay ng inmate na umano’y nagbigay ng order para patayin ang broadcaster na si Percy Lapid o Percival Mabasa.
Ayon sa Department Order 576 na nilagdaan ni Remulla, ang suspension ay alinsunod sa kautusan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr kung saan si Bantag ay suspendido sa loob ng 90 araw nang walang tatanggaping suweldo at epektibo kaagad ito.
“I went to the President to tell him about this (death of the inmate). He asked me to preventively suspend Director General Bantag of BuCor, so that there may be a fair, impartial investigation on the matter,” ani Remulla.
Si Bantag ay pinalitan ni dating Armed Forces of the Philippines (AFP) chief of staff Gregorio Catapang, Jr. na opisyal na itinalagang officer-in-charge (OIC) ng BuCor.
Unang sinabi ng gunman na si Joel Escorial na ang nag-utos na patayin si Lapid ay nanggaling sa isang PDL na nasa New Bilibid Prison sa Muntinlupa kung saan nasa kabuuang P550,000 ang ibinayad sa kanilang anim .
Samantala,iginiit ni Bureau of Corrections spokesperson Gabriel Chaclag na wala sa NBP roster si Crisanto Palana Villamor, ang umano’y middleman sa Lapid murder.
Ang PDL na nasawi noong Oktubre 18 ay si Jun Globa Villamor pero may PDL naman umano na nangngangalang Jose Palana Villamor pero buhay pa ito at naka-secure na. (Philip Reyes)