BUB, Anti-Epal bill hirit ng IBMI-NGO na maisabatas

By: Baby Cuevas

Nanawagan ang IpaBITAGmo Inc. (IBMI), isang non-governmental organization (NGO) sa mga Senador at Kongresista na isulong ang pagsasabatas ng Bottom-Up Budgeting (BUB) at “Anti-Epal Bill” ngayong 20th Congress na layong maprotektahan ang pondo ng bayan sa matinding korapsyon sa gobyerno.

Sa isinagawang pulong-balitaan sa Quezon City, umapela ang veteran broadcaster at anti-crime and corruption advocate na si Ben “BITAG” Tulfo na independent ang adbokasya ng IMBI kung saan nagsisilbi siyang volunteer dito at founding chairman emeritus.


Ayon kay BITAG, unang na-introduce ang BUB noong 2012 sa administrasyonni dating Pangulong Benigno Aquino III, kasama si dating Department of Budget and Management secretary Florencio Abad na siyang “utak” sa technical implementation ng programa.

Sa BUB na isang participatory budgeting initiative, binibigyan aniya ang lokal na komunidad o publiko at mga sektor na makibahagi sa pagdedesisyon sa alokasyon ng pondo ng gobyerno mula baba hanggang sa taas.

Dagdag ng IBMI, overdue na ang pag-institutionalize ng BUB at iginiit ni Tulfo na ina-advocate niyang maipatupad ito na may sinusunod na polisiya simula pa noong 2014.


Bunsod nito, umapela si Tulfo kina Senate President Tito Sotto, House Speaker Bojie Dy at iba pang senador na itulak ang BUB at ang Anti-Epal Bill.

“Being an advocate nalaman ko na ‘yung BUB noon pa man naniniwala ako na kapag nagkaroon ng partisipasyon ang tao sa ibaba, maiiwasan ang mga kalokohan sa itaas …sa pagpapatupad ng anumang programa, proyekto at aktibidades ng pamahalaan,” diin ni Tulfo.




Dagdag ni IBMI Executive Director Apple Meneses na kailangan ding maibasura ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang corruption-prone “allocable system at mag-adopt ng BUB framework para sa mas maayos na alokasyon sa infrastructure funding sa lahat ng rehiyo at congressional districts upang maiwasan ang nangyaring mga ghost projects na pinagkakitaan ng bilyong piso ng mga tiwali sa DPWH at opisyales ng gobyerno.

Sinabi naman ni IBMI lawyer Atty. Rean Balisi na ang BUB ay magpo-promote ng aktibong partisipasyon sa pagbusisi ng budget dahil sa pagbabantay sa mga pagpaplano at paglalagay ng mga proyekto sa kanilang komunidad.


“Maganda siyang pamamaraan in order for us to improve and be efficient not only in the budget preparation or participation in legislation pero pati na rin dun sa tinawag nating budget execution and accountability,” dagdag ni Balisi.

Bukod sa BUB, nais din ng IBMI na maipasa na ang Anti-Epal bill, na layong pagbawalan ang mga opisyal ng gobyerno na ikabit sa mga signage ang kanilang mga inisyal o pangalan at mukha sa mga signage sa anumang pinaplano at natapos nang proyekto, kasama na rin ang government assistance distributions o pamamahagi ng ayuda.

“IBMI-NGO believes that this bill should be legislated to stop the interference of the politicians, especially in the local arena,” dagdag pa ng grupo.


“Gusto natin ma-refile sana ng kung sinumang magigiting na Senador para maiwasan ang pang-eepal ng mga politiko, inaangkin ang mga proyekto kahit hindi sa kanila, pera ng taong bayan,” dagdag nito.

Tags: IpaBITAGmo Inc. (IBMI)

You May Also Like