BSKE CAMPAIGN PERIOD: ISA PATAY, ISA PA SUGATAN; BAHAY, PINAULANAN NG BALA

By: Victor Baldemor Ruiz

Sa kasagsagan ng campaign period limang araw bago ang nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan 2023 polls ay patuloy ang mga naitatalang karahasan, kung saan isang lalaki ang napatay habang isang barangay peace-keeping volunteer naman ang malubhang nasugatan nang paulanan ng bala ang kanilang bahay sa Maguindanao del Norte.

Base sa inisyal na ulat, pinagbabaril ng tatlong hindi pa nakikilalang kalalakihan na armado ng matataas na kalibre ng baril ang bahay ng mga biktima sa bayan ng Sultan Mastura.


Lubhang malakas umano ang loob ng mga salarin dahil isinagawa nila ang krimen sa katanghaliang tapat, gamit ang iba’t -ibang kalibre ng baril at mahigit 30 bala.

Ayon kay Sultan Mastura police chief Captain Elmar Elarcosa, may mga saksi sa isinagawang pamamaril sa bahay ni Abdul Nor Benasing Palog, isang pedicab driver na agad na nasawi, habang sugatan din ang peace-keeping volunteer na si Tahiran Succor.

Inihayag ni Bangsamoro police director Brigadier General Allan Nobleza na halos isang dosena na ang kaso ng pamamaril na kanilang naitala sa nasasakupan ng Bangsamoro Autonomous Region for Muslim Mindanao (BARMM) simula October 19, sa pagsisimula ng campaign period. Lima sa nangyaring gun attacks ay election-related .


Naitala ito sa Lanao del Sur, Maguindanao del Sur at Tawi-Tawi, na isa sa dahilan para mag-desisyon ang COMELEC, PNP at AFP na magtalaga ng karagdagang pwersa, partikular sa nasasakupan ng BARMM.

Bukod sa mga pulis mula sa Northern Mindanao at Soccsksargen Region na ikakalat sa BARMM ngayong linggo ay palalakasin pa ang puwersa ng gobyerno sa pagdaragdag ng police contingent mula sa National Capital Region at Special Action Force (PNP-SAF).


Sa datos ng pamahalaan, nasa 70% porsyento ng 361 areas na itinuturing na nasa ‘red category’ o ‘grave security concern’ ay nasa loob ng BARMM.


Tags: Barangay at Sangguniang Kabataan 2023

You May Also Like