Latest News

BSKE 2023 GENERALLY PEACEFUL; LIMA, PATAY SA ARAW NG ELEKSYON

By: Victor Baldemor Ruiz

SINASABING maituturing pa rin na “generally peaceful” ang idinaos na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa kabila ng mga insidente ng karahasan na naitala sa ilang bahagi ng bansa, ayon sa Commission on Elections (COMELEC).

Sa pagsasara ng botohan alas-3 ng hapon ay idineklara ni Commission on Elections chair George Erwin Garcia na maituturing ang 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan (SK) elections na “generally peaceful and orderly” sa likod ng naitalang limang tao na nasawi sa mismong araw ng election.

Maging ang Armed Forces of the Philippines ay nagsabing naging payapa naman sa kabuuan ang idinaos na botohan noong Lunes.


Ayon sa pamunuan ng AFP Eastern Mindanao Command:” There have been no untoward incidents to report and the declaration of the BSKE in the EMC area as peaceful and orderly is a resounding achievement.”

“The Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2023 in Eastern Mindanao concluded as a remarkable testament to unity and peace. As of 6pm on 30 October 2023, all polling precincts in the EMC Joint Operational Area, covering Regions 10, 11, some parts of 12 and 13 area, have been officially declared closed, with the canvassing process well underway,” ayon pa sa AFP EASTMINCOM.


Base sa mga naitalang insidente ng karahasan sa mismong araw ng eleksyon ay binaril at napatay ni Jamail Mangaybao, kandidatong barangay chairman, ang nakababata nitong kapatid na si Madid Mangaybao na tumakbo ring barangay captain ng Brgy Poktan sa bayan ng Butig, Lanao del Sur.

Isang oras bago magbukas ang halalan ay may dalawang tao na kinilalang sina Juhaimin Ube at isang alyas “Mistake,” ang pinagbabaril habang sugatan naman ang apat na iba pa na kinilalang sina Mohalidin Solaiman, Jerik Alon, Nasrudin Salik, at Harong Tating sa pamamaril sa Barangay Bugawas, sa Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao del Norte.


Kinumpirma ni Bangsamoro Police Regional Director, BGen. Allan Nobleza na nabaril ang mga biktima habang papunta sila sa kanilang polling precincts.

Bago tuluyang nagsara ang botohan, may dalawang inulat na nasawi habang isa pa ang sugatan nang barilin ng isang miyembro ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) sa Lamitan City, Basilan.

Kinilala ng pulisya ang mga biktima na sina Barangay Chairman Jemson Cervantes na malubhang nasugatan habang dead-on- the- spot naman si Kagawad Nadjuwal Antataha.

Napatay din ni Cervantes ang namaril na CAFGU na si Emiliano Enriquez sa bahay ni Antataha na nasa labas lamang ng presinto.

Kaugnay nito ay sinasabing umakyat na sa 35 ang naitalang validated election-related incidents ng Philippine National Police (PNP).

Ang nasabing bilang ay mula sa 237 recorded incidents ng PNP hanggang October. 31, 2023.

Pinakamarami rito ang shooting incident na pumalo sa 17, dalawang kidnapping, dalawang light threats at dalawa ring harassment.

Apat naman ang naitala muli habang tig-iisang kaso ng grave threats, robbery with intimidation, indiscriminate firing, armed encounter, alarms & scandal, vote buying and selling, physical injury at paglabag sa gun ban.

Naitala naman ang mga ito sa Regions 1, 4A, 5, 7, 8, 9, 10, BAR, COR at NCRPO.

Nakapagtala naman ang PNP ng 103 suspected ERI at 99 non ERI.

Samantala, lumobo pa sa 2,032 ang mga naarestong gun ban violators; 1,540 ang mga nakumpiskang baril; 2,357 ang mga dineposito para sa safekeeping at 1,701 mga armas naman ang isinuko sa mga awtoridad.

Tags: Commission on Elections (Comelec)

You May Also Like

Most Read