Umaabot na sa kabuuang 3,020,999 ang mga botanteng naitala nila para sa May 2025 National and Local Elections (NLE).
Iniulat ni Commission on Elections (Comelec) George Erwin Garcia na ang naturang bilang ng mga botante ay naitala mula Pebrero 12 hanggang Mayo 20, 2024.
Aniya, lagpas na ito sa tatlong milyong botante lamang na target ng Comelec na maitala para sa nalalapit na halalan.
Base sa datos, mas marami umano ang mga babaeng botante na nagparehistro, na umabot sa 1,558,506, kumpara sa mga lalaking botante, na nasa 1,462,493 lamang.
Samantala, ang Region IV-A (Calabarzon) pa rin ang nakapagtala ng pinakamaraming bilang ng botante na nagparehistro, na umabot sa 541,724; kasunod ang National Capital Region (NCR) na may 440,857; at Region III (Central Luzon) na may 349,926.
Pinakakaunti naman ang nagpatala sa Cordillera Administrative Region (CAR) na umabot lamang sa 39,059 habang ang Comelec main office naman sa Maynila ay nakaproseso ng 5,443 aplikasyon.
Magtatagal hanggang sa Setyembre 30 ang voter registration na nagsimula noong Pebrero 12.