PINAG-AARALAN na ng Vaccine Expert Panel, ang pagkakaloob ng booster shot laban sa COVID19 sa mga bata.
Ang pahayag ay ginawa ni VEP chairperson Dr. Nina Gloriani sa Laging Handa public briefing nang hingan ng update sa rekomendasyon kaugnay sa pagbibigay ng ikalawang booster shot sa mga adult.
“May rekomendasyon na po specifically sa elderly, immunocompromised, yung mataas ang exposure at vulnerable sa COVID-19 kasi nag-open tayo,” ayon kay Gloriani.
“Hindi po muna yung mga general population pero meron din pong tinitignan din naman po yan, at baka kailangan din ng booster sa mga bata, tinitignan po, ongoing po lahat ‘yan sa ngayon,” dagdag ng opisyal.
Nitong nakalipas na Pebrero 24, sinabi ng panel na hindi pa nila inirerekomenda ang boosyer shots sa mga bata edad 12-17 dahil wala pang pag-aaral kung baba ang kanilang immunity matapos na tumanggap ng kumpletong bakuna.
“Sa ngayon, very recent lang naman na nabigyan sila ng bakuna eh so they should still be protected. Hindi pa. Hindi pa nare-recommend,” paliwanag ni Gloriani.
Una nang nagbabala si Presidential adviser for entrepreneurship Jose “Joey” Concepcion III na may 27 milyon vaccine ang nakatakdang ma expired sa Hulyo kapag hindi ito nagamit. (Jaymel Manuel)














