HINILING ng Department of Health (DOH) sa Food and Drug Administration(FDA) na amiyendahan ang emergency use authorization (EUA) ng COVID-19 vaccines para mabigyan ng 4th dose sa priority population at booster shots naman sa age group 12-17.
“Tayo po ay nagsumite na ng request sa FDA for the EUA to be amended for this fourth dose at kasama ito pong booster shot for 12 to 17 years old,” ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang press conference.
Ayon kay Vergeire, sa sandaling mag-isyu ang FDA ng amended EUA ,ito ay ipadadala sa Health Technology Assessment Council (HTAC) para sa evaulation.
Kapag nakumpleto na umano ang proseso,maari nang makapag- draft ang DOH ng guidelines para sa implementasyon ng pagbibigay ng 4th dose sa
priority population at booster shots naman para sa edad 12 – 17.
Una nang ibinabala ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Jose “Joey” Concepcion III na may 27 milyon doses ng COVID19 vaccine ang masasayang kapag di nagamit sa loob ng tatlong buwan.
Sinabi naman ni National Vaccination Operations Center (NVOC) chairperson at Health Undersecretary Dr. Myrna Cabotaje na pinag-aaralan nila kung isasama ang booster dose bilang requirement sa full vaccination. (Anthony Quindoy)