BONG NEBRIJA, PATAS BA SA PAGPAPATUPAD NG MMDA RULES?; ST. LUKE’S QC STAFF, KAPURI-PURI

By: Jerry S. Tan

Hindi pa man nag-iinit ang puwitan nitong si Bong Nebrija sa kanyang pagkakabalik sa puwesto sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) bilang unit head ng Task Force Special Operations Unit, heto at suspendido na naman siya.
Matatandaan kasi na inalis muna si Nebrija nang magreklamo ang pamahalaang-lokal ng Maynila at mga kongresista nito, partikular na sina Manila third district Congressman Joel Chua at 2nd district Rep. Rolando Valeriano, chairman of the House Committee on Metro Manila Development, dahil sa paglagpas ng MMDA sa operasyon nito.
Binira nila si Nebrija dahil sa pag-operate umano sa mga kalsada na di kabilang sa ‘Mabuhay Lanes,’ secondary streets, sakop ng hurisdiksyon ng City of Manila at hindi sakop ng ‘ng ‘no parking, no vending’ zone.
Papunta si Chua sa isang appointment nang mapuna ang kaguluhan sa isang lugar sa Maynila. Bumaba ito at doon ay nalaman umano sa mga residente ang samu’t saring reklamo gaya ng pag-operate ng MMDA sa mga hindi naman itinuturing na “Mabuhay lanes” gayundin ang paghuli sa isang Grab driver na nagtatrabaho lang at pagkuha ng mga scaffolding at kung ano-ano pa.
Ayon naman kay Rep. Valeriano, na sumugod din sa lugar ng kaguluhan dahil may nag-text din sa kanya na nagrereklamo, pati daw mga kotse sa carwash establishments ay kinukuha ng MMDA kaya sabi pa niya:“Parang carnapping na ‘yung ginagawa nila.”
Pinabubuwag nina Rep. Chua at Rep. Valeriano ang MMDA nang mga panahong iyon at idedeklara pa sanang ‘persona non grata itong si Nebrija’ pero mukhang napalambot din sila sa pakiusap ng ilang taga-MMDA kaya inalis na lang muna si Nebrija.
Ilang araw pa lang ay suspendido na naman si Nebrija matapos magbanggit sa media na dalawang congressman at isang senador na ang kanilang hinuli sa paggamit ng EDSA bus lane.
Ang problema, binanggit pa niya ang pangalan ni Senator Bong Revilla gayung inamin niya na hindi naman pala niya kumpirmadong kasama nga ito sa convoy na kanilang sinita. Sabi niya, ‘yun lang daw ang sinabi ng kanyang tauhan at nang malaman niya ay pina-‘let go’ na niya.
Ngitngit na ngitngit si Senator Revilla dahil wala naman siya doon at hindi daw niya ruta ang EDSA Mandaluyong sa araw-araw dahil south to Senado lang daw siya. Sabi pa ng senador, sana ay tinikitan o ipinakulong ni Nebrija ang driver na diumano ay nagbanggit ng pangalan niya nang masitang pumasok sa bus lane.
Sinabi naman ni Rep. Valeriano na hindi nga tama ang ginawa ni Nebrija dahil nakausap daw niya mismo si Congresswoman Lani Mercado, maybahay ni Sen. Revilla at sinabi nito na tulog na tulog sa bahay ang kanyang esposo nang mangyari ang sinasabing sitahan ng convoy sa EDSA bus lane at gaya nga ng sinabi ng senador, sinabi ni Rep. Valeriano na hindi nga talaga nito ruta ang EDSA Mandaluyong sa pagpasok sa Senado.
Lahat ng ‘yan ay nag-uugat sa sobrang hilig ni Nebrija sa publicity. Baka naman gusto niyang palabasin na wala siyang sinisino ke congressman o senador pa.
Dapat ba talagang i-announce kung sino-sino ang mga sikat na nahuhuli sa bus lane?
Sabi ni MMDA chair Romando Artes, di daw dapat ganun at may violation daw si Nebrija sa ginawa niyang ‘yun.
Tama din si Sen. Revilla na magalit. Kahit pa nag-sorry na si Nebrija, ‘the damage has already been done’ at siguradong maba-bash pa din siya kahit nga mali ang paratang ni Nebrija.
Eto ngayon ang malaking katanungan diyan. Bakit nung sabihin daw ng tao niya na sakay ng convoy si Senador Revilla ay pina-go na ni Nebrija ang convoy?
Bago niyan, napanood ko mismo kung paano niya sermunan ang isang motorcycle rider na P20,000 daw ang multa at isang taong suspensiyon ng driver’s license ang kakaharapin niya dahil sa pagpasok sa bus lane.   Eh, di ibig sabihin di pala siya patas???
Nagtatanong lang po ha…
* * *
Maraming salamat sa mga mababait at masisipag na doctor ng St. Luke’s Hospital sa Quezon City na personal kong nasaksihan at naranasan kung paano mag-asikaso ng kanilang mga pasyente matapos akong tamaan ng flu kailan lamang.
Di gaya ng ibang doktor na nagmamadali at limitado lamang ang interaksyon sa mga pasyente, todo asikaso talaga at malasakit ang ipinamalas ng mga doktor ng St. Luke’s na kinabibilangan nina Dr. Samuel Victor Tan, Dr. Marie Abigail Chan Tan, Dr, Jerylin Juco, Dr. Andrea Ramos, Dr. Seth Azuelo, Dr. Monica Sindiong, gayundin sina RN (registered nurse) Jero Estal at Ella Uy, patient care navigator sa nasabing ospital.
Malaking bagay para sa isang may karamdaman ang makakita ng malasakit at pagmamahal mula sa mga doktor, nurse at staff ng isang ospital dahil talaga namang nakakagaan ng pakiramdam at nakakabawas ng pag-aalala dahil nakakasiguro ka na ikaw ay aalagaan nang husto. Mapalad ang St. Luke’s sa pagkakaroon ng mga tauhang gaya ng mga nabanggit ko dahil nakakatulong sila na makagawa ng mabuting reputasyon ang ospital para sa mga naghahanap ng mabuting serbisyo-medikal.
Muli, ang aking taos-pusong pasasalamat at sana, lahat ng doktor, nurse at hospital staff ay kagaya ninyo.
Tunay kayong kapuri-puri.
* * *
Maaaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para
sa anumang reaksyon.
Tags: double tap, jerry s. tan

You May Also Like

Most Read