NASAWI ang limang katao kabilang ang dalawang bata habang umakyat na sa 38 ang bilang ng mga sugatan nang sumabog ang bodega na sinasabing pinag-iimbalan ng paputok sa Barangay Tetuan, Zamboanga City nitong nakalipas na linggo.
Ayon sa ibinahaging report ni Officer-in-Charge City Police director P/Col. Kimberly Molitas, kasama sa mga sugatan ang mismong may-ari ng warehouse na kinilalang si Jojie Chua ng lungsod ng Zamboanga.
Sa lakas ng impact ay inabot ng dagliang kamatayan ang limang katao na nag-resulta rin para mawasak ang mga kalapit na kabahayan, mga gusali at ilang poste ng kuryente.
Sa ngayon, nagpapatuloy pa ang ginagawang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP) upang matukoy ang sanhi ng pagsabog.
Sinasabing nahirapan ang mga kagawad ng pamatay-sunog sa ‘rescue operations’ para sa mga tauhan ng bodega na naiwan sa loob dahil sa laki ng apoy at tuloy-tuloy pa ang pagsabog ng mga natitirang pyrotechnic products.
Wala umanong alam ang mga residente at maging ang barangay officials na mayroon palang imbakan ng paputok sa kanilang nasasakupan at kung hindi pa umano sumabog ang bodega ay wala umano silang kaalam-alam ukol dito.
Ayon kay P/Col.Molitas, dalawa sa mga nasawi ay mga bata, na napag-alaman nang maipon na ang mga bangkay at isilid na sa mga body bag ang mga nakuhang sunog na labi, habang dinala naman sa iba’t- ibang pagamutan ang mga sugatan.
Ito na ang ikatlong insidente ng pagsabog sa loob ng warehouse sa Zamboanga City.