NAGPASYA ang Bureau of Customs (BOC) na makipag-alyansa sa Office of the President (OP) sa pamamagitan ng Office of the Executive Secretary (OES) at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) para matiyak na mapapangalagaan ang mga pinaghirapang balikbayan boxes ng libp- libong Overseas Filipino Workers (OFWs).
Sa inilabas na pahayag ng BOC kasama ni Acting Deputy Commissioner Michael Fermin ng Internal Administration Group, ang ilang top officials ng Aduana ay nakipagpulong kay Executive Secretary Lucas Bersamin at Presidential Anti-Organized Crime Commission Undersecretary Gilberto DC Cruz para wakasan na ang modus operandi ng mga swapang na cargo forwarders na bumibiktima sa mga OFWs na nasa ibang bansa at gumagamit ng mga balikbayan boxes.
Kasunod nito ay isinasapinal rin ng BOC ang joint memorandum agreement sa PAOCC, Department of Foreign Affairs, Department of Trade and Industry, Department of Migrant Workers (DMW) forwarders at iba pang stakeholders.
Ang komprehensibong kasunduang ito ay naglalayong i-streamline ang mga proseso, pahusayin ang koordinasyon at patibayin ang mga pagsisikap sa pangangalaga sa kapakanan ng mga OFW at kanilang mga balikbayan box.
Sa pagkilala sa kahalagahan ng isang informed at empowered OFW community, paiigtingin ng BOC ang information campaign sa pamamagitan ng iba’t- ibang social media platforms.
Bukod pa rito, makikipagtulungan ang bureau sa DMW para isama ang komprehensibong impormasyon tungkol sa pag-angkat ng balikbayan box sa training program ng ahensya para sa mga OFW.
Ang inisyatiba na ito ay naglalayong turuan ang mga OFW tungkol sa kanilang mga karapatan, responsibilidad, at mga paraan upang maprotektahan ang kanilang mga balikbayan box habang nagpapadala.
Bukod dito, ang BOC ay nagsasagawa ng mga proactive na hakbang sa pamamagitan ng pagbalangkas ng Customs Memorandum Order, na nag-uutos sa pagpaparehistro ng mga deconsolidator sa BOC.
Ang panukalang ito, kasama ang pagbabayad ng isang performance bond na nagkakahalaga ng P2 milyon, ay titiyakin na ang mga responsableng partido ay mananagot at ang paghawak ng mga balikbayan box ay isinasagawa nang may lubos na pangangalaga at kahusayan.
Bilang pagkilala sa pangako ng BOC na tulungan ang mga OFW at pabilisin ang pagpapalabas ng kanilang mga balikbayan box, pinuri ni Bersamin ang dedikasyon at tiyaga ng kawanihan. Nagpahayag din siya ng paghanga sa mga komprehensibo at forward-looking action plan at patakaran ng BOC na naglalayong epektibong tugunan ang isyu ng balikbayan boxes.
Ipinaabot pa ni Executive Secretary Bersamin ang kanyang suporta sa pagsisikap ng BOC na matiyak na mailalabas at matugunan ang problema ng balikbayan boxes ng mga OFW.