NAKASABAT muli ang Bureau of Customs – Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) ng parcel na naglalaman ng iligal na droga na nagkakahalaga ng higit P.8 milyon.
Sa kanyang ulat, sinabi ni BOC-NAIA District Collector Atty. Yasmin Mapa na kasama ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ay nakasabat sila ng isang parcel mula United States na naglalaman ng shabu sa Central Mail Exchange Center (CMEC) nitong February 20, 2026.
Ang parcel ay nakitaan ng pagkakaiba sa declared contents at packaging nito at sa physical examination ay nabunyag ang laman nitong ?822,800 ng shabu. Arestado ang claimant na nagtangkang kunin ang parcel sa CMEC window.
Ayon kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, “sa BOC, bahagi ng aming mandato na siguraduhin na walang ilegal na droga ang makakapasok sa bansa. This is our duty, and we are always alert to protect the public.”
Ang mga nakumpiskang shabu at dinakip na indibidwal ay nai-turn over na sa PDEA para sa kaukulang aksyon at paghaharap ng mga kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, as amended) at Republic Act No. 10863 (Customs Modernization and Tariff Act).
Sinabi naman ni Mapa na sa ilalim ng kanyang pamumuno ay patuloy lamang ang mahigpit na inspeksyon at pagtitiyak na lahat ng incoming shipments ay alinsunod sa mga batas ng Pilipinas bilang bahagi ng papel ng BOC-NAIA sa pagbigay proteksyon sa public health at national security.














