Mahigpit na nagbabala ang Bureau of Customs (BOC) sa publiko laban sa mga gawa-gawang istorya at social media posts na layong iligaw ang mga tao, gamit ang Artificial Intelligence o AI-generated content at mga di awtorisadong images ng BOC personnel upang makalikha ng mga pekeng naratibo o kwento.
Ang ganitong mga uri ng mapanlokong materyales diumano ay naka-disenyo para iligaw ang publiko, mag-impersonate ng mga opisyal at pababain ang tiwala sa BOC.
Sa ilalim ng liderato ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, ang buong BOC ay mariing itinatanggi ang mga ‘claims’ na naglalabasan sa Facebook post ng isang account na “SAY – Story Around You,” kung saan pinalalabas umano na isang Customs officer ang nagtangkang mangikil ng pera mula sa isang nagbabalik na Overseas Filipino Worker (OFW).
Sadyang kathang-isip daw ang ginawang kwento at walang basehan sa totoong buhay. Wala rin umanong anumang ulat na may ganitong nangyaring insidente at wala ding sinumang tauhan ng BOC ang nasangkot sa ganito.
Maliwanag umano na ang content ng nasabing post ay bunga ng AI lamang at layuning iligaw ang publiko at magpakalat ng maling impormasyon
Pinabubulaanan din ng BOC ang Facebook post ng isang “Taplac,” na gumagamit ng mga imahe ng BOC personnel on duty upang lumikha din ng pekeng kwento na diumano ay hinaharang ng mga ito ang mga pasahero at bagahe.
Ang mga ganitong imahe ay nai-share umano o ipinakalat sa social media nang walang kaukulang authorization at nagbibigay ng maling uri ng ‘impression’ sa hanay ng BOC personnel, na walang kapagurang gumaganap sa kanilang mga tungkulin nang may integridad at professionalism.
Anila, ang di awtorisadong paggamit ng anumang personal information, pati na din litrato na maaring tumukoy sa pagkakakilanlan ng ilang indibidwal ay isang paglabag sa Data Privacy Act of 2012 (Republic Act No. 10173). Malinaw umano na ang mga nasabing posts ay ginawa upang i-impersonate ang mga opisyal at sirain ang reputasyon ng bureau.
“The BOC is working tirelessly to improve its services and change public perceptions. Despite these efforts, certain individuals and groups continue to spread false information and damage the agency’s image. The BOC assures the public that these malicious acts will not derail its commitment to transparency, efficiency, and integrity,” pahayag ng bureau sa isang pormal na statement.
Hindi umano palalagpasin ng BOC ang nangyari at kanila itong aaksyunan, upang mahinto ang pagpapakalat ng fake news at misinformation.
Habang isinusulat ito ay gumugulong na ang mga imbestigasyon upang mapanagot ang sinumang dapat managot.
Iginagalang umano ng BOC ang ‘constitutional right to freedom of expression’ subalit mahalaga din umano na ang impormasyong isini-share sa publiko ay tama, totoo, at hindi layong iligaw lamang ang mga tao o di kaya ay makapanira ng reputasyon.
Kasabay niyan ay hinihimok ng BOC ang publiko na maging mapanuri, mag-verify ng anumang impormasyon bago ito i-share at iulat ang anumang kahina-hinalang content sa lalong madaling panahon.
“The BOC remains committed to protecting the public from misinformation and will pursue legal action against individuals or groups responsible for creating and spreading fake news,” pagtitiyak ni Nepomuceno.
Sinumang may katanungan o ire-report na mga kaduda-dudang content ay maaring kumontak sa mga sumusunod na channels: Email: boc.cares@customs.gov.ph; Hotline: (02) 8705-6000; Facebook: BureauOfCustomsPH; Instagram: @customs.ph at X (Twitter): @CustomsPH??.
Sa panahon ngayon na sobrang dami ng nagkalat na social media posts na likha lamang ng AI, hindi talaga dapat basta-basta maniwala dahil ultimo nga mga patay napapasayaw o napapakanta pa sa Facebook gamit ang AI.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.














