INAALAM ngayon ng mga awtoridad kung pulitika ang motibo ng mga hindi pa nakikilalang gunmen na nanambang sa isang board member aspirant sa 1st District ng Maguindanao del Sur.
Kasalukuyang ino-obserbahan pa sa pagamutan ang kandidato na kinilalang si Muhammad Utti Omar, o kilala bilang si “Datu Baba” na sanhi ng tinamong tama ng bala.
Si Datu Baba na tumatakbo bilang board member ay binaril ng mga hindi pa nakikilalang mga armadong kalalakihan sa Datu Anggal Midtimbang.
Bukod sa board member aspirant ay nahagip din ng ng mga bala ang kanyang driver na si Abel Bunsalagat Buisan.
Lumilitaw sa paunang pagsisiyasat, na si Omar ay nanggaling sa proclamation rally at sakay ng MPV na minamaneho ni Buisan nang paulanan ng bala ng baril ng mga armadong kalalakihan na sakay naman ng silver minivan na walang plaka, bandang 3:10 ng hapon sa National Highway sa Barangay Brar.
Sadyang malakas ang loob ni Buisan kaya nagawa pang maimaneho nito ang dala nilang Multipurpose Utility Vehicle patungo sa police station sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte para humingi ng tulong.
Inilunsad ang ‘hot pursuit operation’ para matugis ang mga sangkot sa pananambang habang idineklarang ligtas na si Omar sa kamatayan. habang patuloy pang inoobserbahan si Buisan sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa katawan.