Latest News

Black Nazarene, muling bubuksan sa “Pahalik”

MULING bubuksan ng Minor Basilica of the Black Nazarene sa publiko ang “Pahalik” sa imahe ng Poong Hesus Nazareno.

Kasunod nito, umapela si Father Douglas Badong, parochial vicar ng basilica sa mga deboto na mahigpit na sundin ang safety protocol upang makaiwas mahawa ng COVID-19.

“Muling mahahawakan ang mismong imahen ng Poong Hesus Nazareno na nasa itaas ng altar ng simbahan ng Quiapo. Unti-unti nating ibabalik ang ‘pahalik’. Ipinapakiusap sa mga deboto na pumila ng maayos at sumunod sa mga safety protocols,” ayon kay Fr. Badong sa panayam ng Radio Veritas.


Nabatid na sa kabila na bubuksan na sa publiko ang pahalik sa Poon ng Itim na Nazareno, mahigpit na ipinatutupad sa loob at labas ng simbahan ang safety protocol tulad ng pagsusuot ng facemask at physical distancing ng mga deboto.

Magugunita na isinara sa publiko ang nakaugaliang pahalik sa imahe ng Poong Hesus Nazareno nang magsimula ang pandemya noong 2020 bilang hakbang na maiwasan ang transmission ng nakahahawang virus.


Sa ginanap na Traslacion 2021 at 2022 sa halip na isagawa ang tradisyunal na pahalik ay ginawa ang ‘pagtanaw’ kung saan iniluklok ang replica image ng poon sa harapan ng simbahan upang matanaw ng mga deboto.

Kasabay nito, patuloy na pinag-iingat ng simbahan at pamahalaan ang publiko laban sa banta ng virus bagamat mahigit 65 milyon filipino na ang kumpletong nabakunahan ng COVID 19 vaccine. (Jaymel Manuel)


Tags: Minor Basilica of the Black Nazarene

You May Also Like

Most Read