Inianunsiyo ng Philippine National Railways (PNR) nitong Miyerkules ng gabi na suspendido muna ang biyahe ng kanilang tren mula Calamba patungong San Pablo at pabalik.
Sa anunsiyo ng PNR sa kanilang social media account, nabatid na sinimulan ang suspensiyon sa biyahe ng PNR train na aalis ng Calamba, ganap na alas-6:30 ng gabi ng Setyembre 7, 2023, patungong San Pablo.
Maging ang biyahe nitong pang-alas-6:25 ng umaga ng Setyembre 8, na mula naman sa San Pablo patungong Calamba, ay tigil rin muna.
Ayon sa PNR, ang suspensiyon ay bunsod na rin nang isasagawang maintenance activity sa tren na ginagamit sa nasabing ruta.
Kaagad namang humingi ng paumanhin at pang-unawa ang PNR dahil sa naturang suspensiyon ng biyahe.
Tiniyak rin ng PNR na kaagad silang magbibigay ng update kung kailan manunumbalik ang nasabing biyahe.
“Simula bukas ng gabi (ika-7 ng Setyembre), ang Philippine National Railways (PNR) trains sa byaheng 6:30 PM mula Calamba patungong San Pablo, at ang byaheng 6:25 AM (ika-8 ng Setyembre) mula San Pablo papuntang Calamba ay hindi muna tatakbo,” anang PNR.
Dagdag pa nito, “Ang tren na ginagamit sa nasabing ruta ay sasailalim sa isang maintenance para sa kaligtasan ng mga pasahero. Kami po ay humihingi ng paumanhin at inyong pang-unawa. Magbibigay ang PNR ng update kung kailan manunumbalik ang nasabing biyahe. Maraming salamat po.”














