Pansamantalang naantala ang biyahe ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) bunsod ng naranasang problema sa signaling system Martes ng hapon.
Ayon sa advisory ng MRT-3, nabatid na dakong ala-1:55 ng hapon nang magkaroon ng abnormal na status ang signaling server sa bahagi ng North Avenue Station sa Quezon City.
Bilang precautionary measures, ang lahat ng tren ay pinayuhan ng Control Center na tumigil muna sa pinakamalapit na istasyon, na nagresulta sa 30-minutong pagkatigil ng operasyon nito o mula alas-2:05 ng hapon hanggang alas-2:35 ng hapon.
Kaagad namang humingi ng paumanhin ang MRT-3 sa publiko dahil sa naganap na aberya at kaagad na inayos ang problema.
“The management of the Metro Rail Transit-3 (MRT-3) apologizes to all passengers affected by a 30-minute stoppage of operation of the train service on Tuesday, March 14, due to a problem in signaling server at around 1:55 p.m.,” anang MRT-3.
“At that time, the Control Center reported an abnormal status of the signaling server at North Avenue station. As a safety precautionary measure, all trains were advised to stop at the nearest stations while technical personnel troubleshoot the issue,” anito pa.
Matapos naman ang kalahating oras ay balik na sa normal ang signaling server at naibalik rin ang regular na operasyon ng mga tren nito.
Ang MRT-3 na bumabagtas sa kahabaan ng EDSA, ang siyang nagdudugtong sa North Avenue, Quezon City at Taft Avenue, Pasay City. (Baby Cuevas)