Ang tumataas na temperatura ng kapaligiran ay sanhi ng climate change dahil sa patuloy na pang-aabuso at pananamantala ng tao sa kalikasan.
Ito ang ginawang pahayag ni Tagbilaran, Bohol Bishop Alberto Uy kaugnay sa lumalalang pag-init ng panahon na nararanasan sa buong bansa.
Aniya, ang mga sakuna at kalamidad na nararanasan ng mga tao sa ngayon ay nagmimistulang ganti ng kalikasan.
Ang mga pagbabagong ito sa kapaligiran ang katotohanang dapat tanggapin at higit na maunawaan ng mga tao,dagdag pa nito.
“God always forgives, men sometimes forgive, but creation never forgives. If you destroy creation, creation will destroy you. Ito ang katotohanan, ayaw natin mapagsabihan kasi masakit ang katotohanan,” ani Bishop Uy.
Nanawagan din ito sa lahat na higit pang isabuhay at ipalaganap sa kapwa ang pagiging responsableng katiwala ng sangnilikha upang makatuwang sa pagtugon sa lumalalang pag-init ng kapaligiran.
Nagpaalala rin si Uy sa publiko na ingatan ang kalusugan laban sa mga karamdamang maaaring makuha mula sa labis na init ng panahon.
Kaugnay nito ay nananawagan naman si Capiz Archbishop Victor Bendico sa mamamayan na isulong ang pagkakaroon ng balanse o patas na pagbibigay ng halaga sa pagitan ng kalikasan at negosyo.














