BISHOP TOBIAS, DI NANAKAL

By: Carl Angelo

MARIING pinabulaanan ng Vicar General ng Archdiocese of Manila na sinakal ni retired Novaliches Bishop Antonio Tobias ang sinuspinding pari ng St. Joseph Parish sa Gagalangin, Tondo, Maynila na si Fr.Alfonso Valeza.

Sinabi ni Monsignor Reginald Malicdem na nasa naturang Simbahan lamang si Bishop Tobias para tiyakin na maipatutupad ang order ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula.


“Yung sinasabing sinakal, interpretation ng mga taong nandun. Wala namanG dahilan para sakalin ni Bishop si Father Al. Si Bishop Tobias ay nandun, ine-encourage si Father Al na sundin yung decision ni Cardinal Advincula na he is relieved of his parish,”ani Malicdem.

Nilinaw din ni Malicdem na si Valeza ay sinuspinde sa pagka-pari epektibo noong Hunyo 3, 2024 dahil sa isyu na nagiging sanhi siya ng dibisyon mula sa ibang parishioners.

“Yung decision na alisin siya sa parish ay nanggaling sa nangyayari sa parokya. Nagkakaroon kasi ng obvious na heightened division at conflict yung mga tao… i-polarize ‘yung pro- father Al at anti- father Al.”ayon kay Malicdem.


‘Indefinite’ ang naging suspensyon kay Valeza at kailangan din umano nitong sumailalim sa counseling.

Samantala ay sinabi rin ni Malicdem na iniimbistigahan na ang akusasyon na korapsiyon ni Valeza.


Ipinaliwanag naman ni Father Jerome Secillano, Executive Secretary ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), ang sakop ng suspensiyon ni Valeza.

“Sinuspinde yung kanyang priestly faculty, Ito ‘yung ibinibigay ng obispo sa isang pari para makapag-deliver ng sacraments, services, makapag-misa, makapag-kumpisal. So ‘yun ang mga kinakailangan ng isang pari. But then agai, because of this incident, prior pa dyan, dahil nga sinabi dito na disobedient yung pari kaya sinuspinde na ngayon,”ayon kay Secillano.


Tags: retired Novaliches Bishop Antonio Tobias

You May Also Like

Most Read