Arestado ng mga ahente ng NBI-Western Mindanao Regional Office (NBI-WEMRO), ang isang empleyado ng Bureau of Internal Revenue (BIR)-District 93A Zamboanga City dahil sa pangingikil ng pera sa isang negosyante sa isang entrapment operation.
Kinilala ni NBI Officer-In-Charge (OIC) Director Eric Distor ang suspek na si Flora Sarau Albao Revenue Officer IV (A) ng BIR District 93A Zamboanga City.
Nag-ugat ang pag-aresto kay Albao matapos magreklamo ang isang negosyante na.may-ari ng bakery at grocery store na di na pinangalanan ng NBI.
Sa reklamo ng biktima,nagpadala umano ng Notice of Discrepancy noong Abril 20,2022 ang suspek at sinabing mayroon siyang internal tax liabilities para sa taong Enero 1,2020 hanggang Disyembre 31,2020 na nagkakahalaga ng Php 30,716,845.24 at binigyan siya ng 5 araw para magpaliwanag kaugnay sa discrepancies na inisyu ng investigating Revenue Officers.
Noong Mayo 13, 2022, nagpunta ang complainant sa opisina ni Albao para liwanagin ang sinasabi nitong internal tax liabilities at isinumite ang kanyang purchases na nagkakahalaga ng P90,584,782.83.
Inatasan rin umano siya ni Albao na dalhin ang kanyang resibo para patunayan ang kanyang binili na nagkakahalaga ng P10,578,260.46.
Noong Mayo 17, 2022, isinumite naman ng complainant kay Albao ang Purchase Receipts na P10,578,260.46 at noong araw din na iyon ay sinabihan ni Albao ang complainant na.magbayad ng halagang P2 milyon sa kanyang due tax na hanggang sa Setyembre 2022.
Gayunman,sinabi ni Albao na dapat rin siyang magbayad ng P1 milyon ng “SOP” bago nilabas ang schedule ng kanyang pagbabayad sa kanyang due tax.
Binantaan pa siya ni Albao na kapag nabigong ibigay ang kanyang demand at kapag kumuha ng serbisyo ng abogado ang kanyang kaso ay ipadadala sa Regional office at mapupuwers siyang magbayad ng halagang P30,716,845.24 at ang kanyang mga asset ay mapu-frozen.
Sa takot ng biktima ay nagbigay ito ng P500,000 na kalahati ng hinihinging SOP ng suspek.
Kasunod noon ay regular nang tumatawag sa kanya si Albao para hingin ang P500,000 na balanse sa SOP.
Nagduda ang biktima na kinikikilan siya ng suspek kaya inireklamo ito sa NBI na siya namang nagplano ng entrapment operation.
Kaagad na inaresto ang suspek nang tanggapin nito ang P500,000 marked money.
Sinampahan naman si Albao ng kasong paglabag sa RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act), Article 294 (Robbery with violence against or intimidation of persons) of the Revised Penal Code as amended, RA 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, at RA 8424 (Tax Reform Act of 1997) ang suspek sa Zamboanga Prosecutors Office. (Carl Angelo)














