Binata, naligo sa Pasig River, lunod!

By: Baby Cuevas

Nalunod ang isang binata nang mapunta sa malalim at maburak na bahagi ng ilog Pasig, na sakop ng Pasig City, habang nagtatampisaw at naglalaro sa tubig kasama ang kanyang mga kaibigan kamakalawa.

Bangkay na ang biktimang si Japeth Javier, 18, nang matagpuan ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) habang nakaligtas naman ang kanyang mga kaibigan na hindi na pinangalanan dahil nagkakaedad lamang ng 16 at 17-anyos.


Batay sa ulat, alas-3:10 ng hapon nang matagpuan ng rescue team ang bangkay ng biktima sa Sandoval Bridge sa Brgy. Maybunga sa Pasig.

Kwento ng mga kaibigan ng biktima, dakong ala-1:00 ng hapon nang magkayayaan silang magtungo sa ilog upang tumambay ngunit malaunan ay naisipang maligo dahil sa matinding init ng panahon.

Hanggang balikat lamang umano nila ang tubig sa ilog ngunit habang naliligo ay nagkaharutan ang biktima at ang 17-anyos na kaibigan niya hanggang sa di namalayang napadpad na pala sila sa maburak at malalim na bahagi ng Pasig River.


Nang wala na umanong maapakan ang kanilang mga paa ay dito na sila nagsimulang malunod.

Mabilis naman umanong rumesponde ang 16-anyos na kaibigan nila ngunit dahil hindi marunong lumangoy, isa lamang sa kanila ang nasagip nito nang maabot ang kanyang kamay at mahila patungo sa mababaw na bahagi ng tubig.


Minalas naman na tuluyan nang lumubog at mawala sa kanilang paningin si Javier.

Mabilis na rumesponde ang mga rescue team ngunit bigo silang sagipin ang biktima.


Tags: Philippine Coast Guard (PCG)

You May Also Like