NANINIWALA ang Commission on Elections (Comelec) na maaari pang isulong ng mga mambabatas ang ‘tax exemption bill’ para sa honoraria ng mga guro na nagsisilbi sa eleksyon makaraang i-veto ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Kami naman po ay naniniwala na hindi naman po dito nagtatapos ito. maari rin naman pong magkaroon ng panibagong pagsususog ng bill …tungkol dito. Dahil alam naman po namin na talagang masidhi ang panawagan para maging tax exempt itong mga honoraria ng ating mga teachers,” ayon kay Comelec spokesperson John Rex Laudiangco.
Nilinaw ni Laudiangco na ginagalang nila ang naging desisyon ng Pangulo at nasa kapangyarihan talaga ng kaniyang tanggapan ang pag-veto ng mga naturang bagay.
“Nabanggit din po niya sa kanyang veto message at tinignan niya po ang pangkalahatang situation ng ating bansa at kinonsider din po niya ang equal protection clause,” saad niya.
Ikinalulungkot ng Comelec na hindi nakasama o nagkaroon ng specific provision ang tax exemtion sa honoraria nang maipasa ang Election Service Reform Act (ESRA).
“So sa tingin po, ayon po sa opinyon ng BIR, kailangan po kaltasan ng buwis ito,” dagdag pa ni Laudiangco. (Jaymel Manuel)