ISANG Judge ang pinatalsik ng Supreme Court (SC) sa kanyang tungkulin dahil sa diumano’y pagmanipula sa pagbili ng medical supplies para sa lungsod ng Maynila noong panahon ni Mayor Erap Estrada.
Sa isang SC en banc decision, si Judge Ateneones Bacale, Presiding Judge ng Municipal Circuit Trial Court ng Biliran-Cabucgayan, Biliran, ay nag-alok diumano noong 2016 sa pharmaceutical supplier na si Aldrin Magaoay ng isang proyekto na nagkakahalaga ng P50,000,000, para sa pagsu-suplay ng medisina sa apat na pagamutan sa Maynila.
Ayon umano kay Bacale, ang kanyang asawang si Romilda, Executive Secretary ni dating Manila Mayor Joseph Estrada, ay kayang ilakad ang nasabing procurement pabor kay Magaoay, nang wala nang kinakailangang bidding process.
Nang sumunod na tatlong taon, binibigyan umano ni Magaoay ang hukom ng pera, sa pamamagitan ng bank transfers o personal delivery.
May isang pagkakataon umano na kinuhanan pa ni Magaoay ng larawan si Bacale habang binibilang ang perang tinanggap mula sa kanya.
Nang umabot na ang kanyang ibinayad sa hukom sa halos P20,000,000 nang walang anumang progreso sa mga proyektong ipinangako sa kanya, napagtanto ni Magaoay na ini-scam lamang siya ng mag-asawang Bacale, kaya naghain siya ng administrative complaint laban kay Bacale dahil sa gross misconduct.
Sa depensa ni Bacale sa Judicial Integrity Board (JIB) proceedings, umakto lamang umano siyang mensahero para sa kanyang asawa upang makakuha ng mga dokumento mula kay Magaoay.
Sinunod umano niya ang mga instruction nito bilang pasasalamat dahil sa pagtulong sa kanyang maka-recover matapos na wasakin ng bagyong Yolanda ang kanyang tahanan.
Napag-alaman na ang mag-asawang Bacale ay mahigit 30-taon nang hiwalay.
Samantala, sa kanyang panig, sinabi naman umano ni Romilda na dahil sa kanyang heavy workload bilang Administrative Officer IV sa Office of the City Mayor of Manila, hiniling niya kay Bacale na kumuha ng mga dokumento mula kay Magaoay para sa isang proyekto.
Gayunman, nang mapagtanto umano niyang ang mga bidding documents mula kay Magaoay ay pawang peke, kaagad siyang nangako na isasauli ang perang ibinayad nito.
Samantala,inirekomenda naman ng JIB na ma-dismiss si Bacale dahil sa gross misconduct bunsod ng paglabag sa New Code of Judicial Conduct (Code).
Sinang-ayunan naman ng SC ang desisyon ng JIB at dinismis ang hukom.













