Arestado ng mga barangay tanod ang isang miyembro ng Sputnik Gang nang tangkain nitong tangayin ang isang naka-padlock na bike,kamakalawa ng madaling araw sa Sta. Mesa, Maynila.
Itinurn-over sa Manila Police District-Police Station 8 ng mga umarestong barangay tanod ang suspek na si Shondell Ongkingco y Noblesa ,alyas Shon, 40 at residente ng No. 40, Altura St., Sampaloc, Maynila.
Sa imbestigasyon ni PCpl Jenard Ver DC Aviles ng MPD -PS 8 ,alaas-4:17 ng madaling.araw nang tangkain ng suspek na sirain ang padlock sa bisikleta pag-aari ni Maria Carmen Nove y Jordas 26, call center agent, ng Sta. Mesa, Maynila, na nakaparada sa harap ng bahay ng biktima.
Nabatid na nagsasagawa umano ng foot patrol ang mga tanod ng Barangay 627, Sta. Mesa na pinamumunuan ni Manuel Canlas y Noga kasama si Ryan Junsay nang makita ang suspek na sinira ang padlock na kadenang nakalagay sa bisikleta. Kaagad umanong sinita ang suspek at saka inaresto.
Narekober sa suspek ang mountain bike (Asbike Brand) na nagkakahalaga ng P15,000, long nose tools (Stanley Brand), at isang bicycle chain lock.
Nahaharap ngayon sa kasong theft ang suspek sa Manila Prosecutor’s Office. (Carl Angelo)