Inihahanda na umano ng Philippine National police ang mga kaukulang dokumento para sa pagsasampa ng kasong criminal laban sa mga hinihinalang kasapi ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighter (BIFF) na tinukoy na nasa likod ng nangyaring ambush sa Barangay Poblacion sa Shariff Aguak, Maguindanao del Sur na ikinamatay ng dalawang pulis at ikinasugat ng apat na iba pa.
Sinasabing tukoy na ng PNP ang grupong nasa likod ng pananambang sa Barangay Poblacion noong Hunyo 14 kaya ikinakasa na ang mga dokumentong kakailanganin para sampahan ng reklamo ang mga unang tinutukoy nilang person of interest.
Ayon kay PNP Spokesperson PCol. Jean Fajardo, sa ngayon, tuloy ang kanilang ugnayan sa regional director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region para sa mga testigo sa krimen upang maipag harap na ng kaso ang mga salarin na pawang mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF).
Una nang namatay sa pananambang sina Patrolman Saiponden Shiek Macacuna at Patrolman Bryan Polayagan habang sugatan at kasalukuyang nagpapagaling sa ospital sina Patrolman Arjie Val Loie Pabinguit, Patrolman Abdulgafor Alib, Police Staff Sgt. Benjie Delos Reyes, at Police Chief Master Sgt. Rey Vincent Gertos.
Dagdag pa ni Fajardo, sa tulong ng Armed Forces of the Philippines, patuloy ang pagpapanatili ng PNP sa kapayapaan at kaayusan sa Maguindanao del Sur.
“Base po sa ugnayan natin sa regional director ng [Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region], may mga witnesses na nakapag-identify at nakapagbigay ng information as to the identity nitong mga possible suspect behind the ambush… I understand po miyembro po sila ng [Bangsamoro Islamic Freedom Fighters] po,” ani Fajardo.
Nauna nang kinondena ng PNP ang krimen kasabay ng pagtitiyak na sisikapin nilang makamit ang hustisya para sa naulilang pamilya ng mga biktima.














