Bidding para sa 1,800-MW power supply sa taong 2024, binuksan na ng Meralco

By: JANTZEN ALVIN

Binuksan na ng Manila Electric Company (Meralco) ang bidding para sa 1,800 megawatts (MW) na power supply na kakailanganin nila para sa taong 2024.


Isinagawa ito matapos na aprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang terminasyon ng power supply deals nito sa power generation units ng San Miguel, at matapos na makapaglabas ang Department of Energy (DOE) ng certificate of conformity sa terms of reference (TOR) para sa 15-taong kontrata na kinabibilangan ng 1800-MW baseload requirement ng Meralco, simula sa Disyembre 2024.

Sa isang pahayag kahapon, sinabi ng Meralco na sinimulan na nila ang competitive selection process (CSP), o isang uri ng competitive public bidding, para sa electricity supply at distribution utility na kinakailangan nila upang masuplayan ang tumataas na demand ng kanilang mga kostumer.

Matatandaang una nang pinahintulutan ng ERC ang terminasyon ng dalawang power supply agreements (PSAs) sa Excellent Energy Resources Inc. (EERI) at Masinloc Power Partners Co. Ltd. (MPPCL), noong nakaraang buwan lamang.


Ang naturang 20-taong kontrata para sa pagsusuplay ng 1,200MW at 600MW na kuryente, ay parehong nakuha ng Excellent Energy at Masinloc Power noong taong 2021 at magiging epektibo sana sa taong 2024 at 2025.

Ayon sa Meralco, ang mga power generation companies na interesadong lumahok sa CSP ay maaaring magsumite ng kanilang expression on interest hanggang sa Nobyembre 13, 2023.


Ang pre-bid conference naman para sa kontrata ay nakatakda sa Nobyembre 20, 2023, habang ang deadline naman para sa pagsusumite ng submission ay itinakda sa Disyembre 26, 2023.


Tags: Manila Electric Company (Meralco)

You May Also Like

Most Read