Latest News

BIDA WORKPLACE, INILUNSAD NG DILG AT NI FIRST LADY

By: Victor Baldemor Ruiz

Nagsanib-puwersa ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at 30 malalaking kumpanya sa bansa sa paglulunsad ng “BIDA (Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan) Workplace” na naglalayong palawakin ang laban kontra iligal na droga sa pribadong sektor.

Sa kanyang talumpati sa signing ceremony ng memorandum of understanding (MOU), hinikayat ni DILG Secretary Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. kasama si First Lady Liza Marcos Araneta ang mga pribadong kumpanya na magkaroon ng sarili nilang drug policy at magsagawa ng random drug testing ng kanilang mga empleado upang mabawasan ang paggamit ng iligal na droga.

“BIDA Program is all about shared responsibility in countering illegal drugs and BIDA Workplace is our bid to forge dependable partnership with the private sector. Kayo na ang bahala sa kanya-kanya n’yong internal mechanism but what is important is that every company would have a drug policy kasi matatakot silang gumamit,” ani Atty Abalos.


Sinabi pa ni Abalos, ang BIDA Workplace ay bahagi ng whole-of-nation approach ng pamahalaan upang labanan at puksain ang iligal na droga sa buong bansa. Sa pamamagitan aniya nito at iba pang aspeto ng BIDA program ay unti-unting makakamit ng pagiging drug-free ng Pilipinas.

Nagagalak din aniya siya sa pakikiisa ng mga pribadong kumpanya sa programa at sa kanilang pagnanais na pangunahan ng DILG ang pagsasailalim sa kanilang mga empleyado sa drug test.

Pormal na inilunsad ang partnership sa pamamagitan ng pagpirma ng MOU nina Abalos at mga kinatawan ng pribadong kumpanya kabilang ang PLDT, Smart Communications, Maynilad, Meralco, Jollibee Food Corporation, Max’s Group, Inc., Megawide Corporation, SM Corporation, Megaworld, Philippine Airlines (PAL), Mcdonald’s, Nestle, Aboitiz, San Miguel Corporation, Metro Pacific Tollways, ETON, Ayala, Converge ICT Solutions, Inc., Blue Cross, Bench, Gokongwei Group, Lopez Holdings Corporation, RFM Corporation, Tan Yan Kee Foundation, Inc., Foodee Global Concepts, Cherry Mobile, Mary Grace, UERM Medical Center, at University of the East ngayong May 25, 2023 sa Eastwood Richmonde Hotel sa Quezon City.

Ipinahayag naman ni Unang Ginang Louisse Araneta Marcos ang kanyang suporta sa DILG at pribadong sektor sa kanilang inisyatiba na magkaisa para sa masiguro ang pagkakaroon ng ligtas at drug-free workplaces sa bansa.


“On behalf of my husband, thank you, DILG, thank you private sector. Thank you for the support you’ve given and continue to give for my husband’s war against drugs. Thank you for your commitment to make our FIlipino communities safe and drug free,” aniya.

Bilang pagpapakita ng kanilang suporta at commitment sa BIDA program, nangako ang iba’t ibang kompanya tulad ng PAL na magkakaloob ng one million Mabuhay Miles; P500,000 testing kits mula sa Blue Cross; Ayala ng vouchers ng Generika Medpadala cards; pagpapagamit ng UERM Medical Center ng kanilang drug-testing facilities; 2-milyong halaga ng produkto mula sa San Miguel Corporation; at, scholarship grants para sa mga qualified out-of-school youth mula sa Tan Yan Kee Foundation, Ay Foundation, Inc., at Cherry Mobile.

Sinabi rin ni Abalos na nakipagtulungan ito sa Department of Labor and Employment (DOLE) para sa BIDA Drug-Free Workplace Seal na ipagkakaloob sa mga pribadong kumpanya na sumusunod sa mga BIDA Workplace policy at practices at gumagawa ng aktibong hakbangin upang masiguro na hindi napapasok ng droga ang kanilang kumpanya.

Inanunsyo rin ang napagkasunduan ng DILG kasama ang Philippine Basketball Association (PBA), Premier Volleyball League (PVL), at University Athletic Association of the Philippines (UAAP) na magsagawa ng random drug testing sa kanilang mga atleta at empleyado.


Tags:

You May Also Like

Most Read