Isang Indonesian na sinasabing umano’y sangkot sa cybercrime operations ang inaresto sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Sa ulat ng Bureau of Immigration (BI) kahapon, nabatid na ang dayuhang nakilalang si Angga Pratama ay naaresto noong Huwebes, Disyembre 21.
Nagtatangka umano itong lumabas ng bansa patungong Singapore nang mapuna ng immigration authorities ang derogatory hit sa pangalan nito.
Ayon sa BI, si Angga ay overstaying na sa bansa at dating empleyado ng isang online gaming company sa Las Piñas City na sinasabing sangkot sa trafficking at cybercrimes.
Sinabi naman ni Border Control Intelligence Unit chief Dennis Alcedo na si Angga ay nagtrabaho rin ng walang permit sa Xinchuang Network Technology Inc., na sinalakay ng mga pulis at ipinasara ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) nitong unang bahagi ng taong 2023.
Nasangkot rin umano ang dayuhan sa mga cybercrimes habang nagtatrabaho sa naturang kumpanya, ani Alcedo.
Kaugnay nito, tiniyak naman ni BI Commissioner Normal Tansingco na ang BI ay nananatiling vigilante sa kanilang pagsusumikap na bantayan ang mga hanggahan ng bansa laban sa mga indibidwal na sangkot sa mga ilegal na aktibidad.
“We are committed to ensuring the security and integrity of our nation’s borders,” aniya pa.
Si Angga ay kasalukuyan nang nakapiit sa holding facility ng BI Taguig City habang inaantabayanan pa ang kanyang deportasyon.














