Masaya ang isinagawang bonding kelan lamang ng mga miyembro ng media kasama si Bureau of Immigration Commissioner Norman Tansingco.
Present sa Christmas get-together ang mga miyembro ng BI Press Corps na pnamumunuan ni Anton Ching at Airport Press Club na pinamumunuan naman ni Ariel ‘Dugoy’ Fernandez.
Naroon din ang mga opisyal ni Tansingco na kinabibilangan nina spokespersons Dana Krizia Sandoval at Dennis Mabulac.
Sa nasabing pagtitipon, nagpasalamat ang pamunuan ng parehong press corps para sa pagkakaroon ng ganoong tipo ng pagsasalo-salo, na kauna-unahan sa administrasyon ni Tansingco. Si Itchie Cabayan na Vice President sa parehong press corps ay nagbigay ng mensahe, na sinundan ni Fernandez.
Wala kasing ganyan nuong panahon ng pinalitan ni Comm. Tansingco na si Jaime Morente na naging mailap masyado sa media, sa kadahilanang siya lamang ang nakakaalam.
Sa kanyang maikling talumpati ay nagpasalamat din si Commissioner Tansingco sa pagdalo ng mga media members at aniya ay umaasa siya na magiging maganda ang relasyon ng ahensiya at mga mamamahayag na nagco-cover nito, na kinabibilangan ng BI press corps board chairman, ang batikang mamamahayag na si Vito Barcelo.
Hiling niya ang patas na pamamalita. Dahil alam naman niya na walang perpektong administraryon at nauunawaan niya kung kailangang maglabas ng negatibong balita, ang tangi niyang request ay sana makuhanan din ng panig ang BI, bagay na kung tutuusin ay di naman niya na dapat hilingin dahil dapat ay automatic na ito sa parte ng media, ang pagkuha ng panig ng anumang ahensiya na gagawan mo ng negatibong balita.
Kaugnay pa niyan ay nananawagan din siya sa media na agad paratingin sa kanya anumang impormasyon na dapat niyang aksyunan nang mabilisan.
Hiling din niya na maski pa tungkol sa mga kawani at opisyal ng BI ang impormasyon, lalo na kung negatibo o reklamo, ay iparating din kaagad sa kanya at aaksyunan daw niya ang mga ito.
Kung tungkol naman sa mga kaganapan sa BI, hindi na kailangan pang humarap ni Comm. Tansingco sa media dahil naririyan naman si Ms. Dana, na hindi lamang laging handa sumagot sa anumang katanungan kungdi maging sa text lamang ay lagi ring mabilis na sumagot.
Kahit anong katanungan ang ipukol kay Dana ay magaling niyang nasasagot nang detalyado kaya naman talagang nasisiyahan ang mga media na siya ay kapanayamin.
Matapos ang Christmas party ay lumapit pa si Comm. Tansingco sa media para magpa-alam at magpa-picture taking, bagay na ikinasiya naman ng mga mamamahayag na dumalo sa umagang iyon.
Sa ginawang ito ni Tansingco, nangangahulugan lamang na may respeto at pagkilala siya sa mga taga-media bilang kaagapay ng BI sa trabaho. Malayo ito sa kanyang pinalitan sa puwesto.
Congratulations kay Comm. Tansingco sa naisipan niyang ito. Tiyak na magbubunga ito ng mas magandang relasyon sa pagitan ng ahensiya at mga mamamahayag.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.