Nasagip ng mga immigration officers na nakatalaga sa Davao International Airport (DIA) ang dalawang Pinay na illegal sanang pagtatrabahuhin bilang dancer at therapist sa United Arab Emirates (UAE).
Nabatid na napigilan ng mga DIA immigration officers ang dalawang biktima, na nasa kanilang 20s at 30s lamang, na makasakay ng isang Scoot airlines flight patungong Thailand kamakalawa.
Kapwa umano iprinisinta ng dalawa ang kanilang sarili sa immigration counters na magbibiyahe ng mag-isa upang magbakasyon sa Thailand.
Gayunman, matapos ang masusing pagsusuri sa kanilang mga dokumento, nadiskubre ng mga immigration officer na plano ng mga ito na dumaan lamang ng Thailand at malaunan ay tumuloy ng UAE upang magtrabaho.
Sa isinagawang secondary inspection, inamin rin ng mga biktima na ni-recruit sila upang magtrabaho bilang dancer at massage therapist.
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, hinala nila na ang mga biktima ay ibubuyo rin sa prostitusyon pagdating ng mga ito sa destinasyong bansa.
Ani Tansingco, “This modus is still prevalent, wherein women are made to agree to work illegally as entertainers, but end up in prostitution because their employers have full control over them once they are abroad.”
Payo pa ni Tansingco, “Aspiring workers should also protect themselves from these syndicates preying on their desire to work abroad.”
Nagpaalala rin siya sa mga nagnanais magtrabaho sa ibayong dagat na maghanap lamang ng trabaho sa abroad sa mga legal channels, sa pamamagitan ng Department of Migrant Workers (DMW).
Nabatid na ang mga biktima ay iniendorso na sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) ng DIA para sa kaukulang tulong at pagsasampa ng kaso laban sa kanilang mga recruiters.