Upang higit pang paghusayin ang paghahatid ng mga pangunahing healthcare services, may 29 Barangay Health Station (BHS) packages ang ipinamahagi sa Ilocos Sur partikular na sa malalayong lugar, ng Department of Health (DOH) – Ilocos Region.
Ayon kay Regional Director Paula Paz M. Sydiongco, ang pagkakaloob ng BHS packages ay bahagi ng 8-Point Action Agenda 1 at 2 ng DOH, na naglalayong palakasin ang health services sa community level at tiyaking hindi na kakailanganin pa ng mga pasyente na bumiyahe ng malayo upang makatanggap ng serbisyong pangkalusugan.
“Ang pagpapalakas ng ating mga primary care facilities ang magbibigay kumpleto at dekalidad na serbisyo tungo sa pagpapabuti ng kalusugan ng ating mga kababayan na nasa barangay,” ani Sydiongco, sa idinaos na turn over ceremony sa Ilocos Sur Provincial Farmers Livelihood Center sa Vigan City.
Nabatid na ang BHS package ay nagkakahalaga ng tig-P200,000 at kinabibilangan ng isang dressing cart, minor surgical set, mechanical bed, spine board, EENT diagnostic set, weighing scale na may BMI calculator, weighing scale para sa mga sanggol, fetal doppler at examining table, medicine cabinet, instrument cabinet, nursing kit, tabletop sterilizer, at generating set 10kva. Ito ay pinondohan sa pamamagitan ng Health Facility Enhancement Program (HFEP) sa ilalim ng General Appropriations Act of 2023.
Kabilang naman sa mga tumanggap ng BHS ay ang Cabalanggan, Capangdanan at Paing sa Bantay; Arangan, Carusipan, Nagsincaoan at Sisim sa Cabugao; Anonang Mayor, Aninang Menor, Callaguip, Manggat, Naguilian at Pantay Tamorong sa Caoayan; Población East, Polacion West at Sagneb sa San Ildefonso; Camindoroan at Guimod sa San Juan; Cabaroan, Cabuluan at Pangada sa Sta. Catalina; Lussoc at Nagbettedan sa Santo Domingo; Jordan at Nagcullooban sa Sinait; Brgy. II, Camangaan, Capangpangan at San Pedro sa Vigan City.
Nag-turn over rin ng medical equipment sa district hospitals kabilang na ang portable dental autoclave para sa Cervantes; agglutination viewer, refrigerator at portable dental autoclave para sa Narvacan; agglutination viewer, urine analyzer at electrolyte analyzer para sa Salcedo; refrigerator, portable dental autoclave at electrolyte analyzer para sa Sta. Lucia; refrigerator at electrolyte analyzer para sa Sinait; at electrolyte analyzer para sa Gabriela Silang.
Iniabot rin si Sydiongco ang quick response funds para sa construction/ completion/ upgrading/ repair ng Ilocos Sur District Hospitals na sinalanta ng bagyong Egay at ng 2022 earthquake kabilang na ang P300,000 para sa Cervantes; P2 milyon para sa Salcedo; P550,000 para sa Tagudin; P50,000 para sa Magsingal; P500,000 para sa Narvacan; at P95,000 para sa Sinait.
Nagkaloob rin umano ang regional office ng isang land ambulance sa munisipalidad ng Sinait.
“The medical equipment and emergency vehicle for Ilocos Sur health facilities was made possible through the initiative of 1st District Congressman Ronald V. Singson,” anang DOH-Ilocos Region.














