INIHAYAG ni Senator Erwin Tulfo na iimbestigahan ng Senado si dismissed Department of Public Works and Highways engineer Henry Alcantara at ang tinaguriang ‘BGC boys’ kaugnay ng kumalat na balitang babawiin na ng huli ang kanyang mga testimonya sa Senado ukol sa mga anomalya ng flood control program.
Ikinaila ito ni Atty. Emil Karlo Joven, abogado ni Alcantara, dahil ang kanyang kliyente umano ay nananatiling “pledged to fulfilling his obligations under memorandum of agreement to assist authorities in the pursuit of truth and accountability.” Si Alcantara ay pumasok sa kasunduan sa pagnanais na makapasok sa Witness Protection, Security and Benefit Program.
Sa kabila niyan ay sinabi ni Tulfo, na Vice Chair ng Senate Blue Ribbon Committee, na mismong si Committee Chair Sen. Panfilo Lacson ay nagpunto na may mga bagay na dapat nilang alamin.
“Are they being coerced? Are they being paid? Is there an exchange? If they keep their mouths shut, will they receive a lighter sentence? What’s going on? We really need to find out,” ani Tulfo.
Aalamin umano nila ang mga kasagutan dito sa pagtutuloy ng Senate probe sa Lunes, January 19.
Ayon kay Tulfo, ang recantation o pagbawi ni Alcantara ay makakasama sa kanyang aplikasyon sa witness protection program bukod pa sa ito ay perjury dahil nagsinungaling siya kahit pa nanumpa at ito umano ay may kaakibat na kulong.
Matatandaan na sin Alcantara at iba pang ‘BGC boys’ ay kumanta ukol sa pagkakasangkot diumano ng ilang malalaking politiko bilang sangkot sa multi-billion peso flood control program anomalies. Ang BGC o Bulacan Group of Contractors ay binubuo ng mga DPWH officials mula Bulacan na naging ‘notorious’ bilang high-rollers sa mga casino na nakapagpapatalo ng milyon-milyon kada punta sa sugalan.
Binubuo ang grupo nina Alcantara, Assistant District Engineer Brice Ericson Hernandez, former Construction Section Chief Jaypee Mendoza at Project Engineer Arjay Domasig.














