HINIKAYAT ni Majority Leader Francis ‘Tol’ Tolentino ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at mga lokal na pamahalaan na mag isip ng alternatibong kabuhayan para sa mga mangingisda na nawalan ng kabuhayan bunsod ng pagbabawal ng China na mangisda sa West Philippine Sea.
Personal na binisita ni Tol ang mga apektadong mangingisda sa magkakahiwalay na lugar ng Sta. Cruz, Masinloc at Subic sa Zambales upang alamin ang kanilang sitwasyon dalawang araw mula ipatupad ng China ang kanilang domestic law na nagbabawal sa mga Pilipinong mangingisda na pumasok sa inaangkin nilang teritoryo.
Bukod sa tulong pinansyal na ipinamahagi sa halos 500 mangingisda, tiniyak ni Tol sa mga mangingisda na kakalampagin niya ang mga concerned government agencies na magpaabot ng tulong sa mga mangingisda.
“Aalamim kung ano ang pwedeng gawin na alternative means of livelihood at pinapangako ko po na kakalampagin natin ang government agencies para matulungan kayo” pagtitiyak ng senador.
Samantala, lubhang ikinalungkot ng senador ang isa na naman insidente ng banggan sa pagitan ng Chinese Coast Guard at Philippine Coast Guard sa area na sakop ng Palawan.
Dahil dito, dapat na umanong maghain ng kaso ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa international tribunal ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Si Tol, na siya ring Chairman ng Commitee on Maritime and Admiralty, ang sponsor ng Maritime Zones Act na nakatakdang maging batas anumang araw mula ngayon. (ANDI GARCIA)