Kinilala ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines Episcopal Commission on Social Communications(CBCP-ECSC) ang pagsusulong ng Senate Bill No.329 o Better Internet Act na layuning pabilisin ang internet at pangalagaan ang mga kliyente ng telecommunication companies (telcos) sa bansa.
Inaasahan umano ni Boac Marinduque Bishop Marcelino Antonio Maralit, Chairman ng CBCP-ECSC, na magbibigay-daan ang batas sa pagpapalawig ng ebanghelisasyon na tutulungan din ang mga sektor ng edukasyon at komunikasyon upang higit na mapakinabangan ng mga mamamayan.
Kasabay ito ng pag-asang magiging wasto ang serbisyo ng mga kompanya sa binabayarang halaga ng kanilang mga kliyente at pag-abot ng internet services maging sa mga pinakaliblib na barangay sa Pilipinas.
“But still, there is a lot of improvement needed in as much as the services provided by TELCOS and I guess this bill will be crucial for this and I think three areas will be essential here: A.Universal Internet Service to the public, B.Efficiency and consistency of service and C. Internet Speed,” ayon sa mensaheng ipinadala ni Bishop Maralit.
Ayon pa sa Obispo, bagamat marami pang kailangang pag-ibayuhin sa serbisyo ng internet providers sa Pilipinas ay patuloy naman ang pagbuti ng internet speed sa Pilipinas.
Batay sa ‘Ookla Speedtest Global Index Report’ noong Enero 2022 nakamit ng Pilipinas ang ika-63 pwesto mula sa 178-bansa pagdating sa broadband speed at ika-89 pwesto naman mula sa 138-bansa para naman sa mobile speed na batayan ng bilis ng internet sa Pilipinas.
“Of course, any bill that seeks to better services for the public including internet services is very welcome and highly supported by our commission and we have already improved from our ranking a couple of years ago,” ayon pa kay Maralit. (Carl Angelo)














