Latest News

BENEPISYO SA MGA NAMATAY NA SUNDALO, PINAMAMADALI NI PBBM

By: Victor Baldemor Ruiz

PINAMAMADALI ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr., ang pagkakaloob ng mga nakalaang benepisyo para sa pamilya ng mga sundalong nasawi habang tumutugon sa kanilang tungkulin.

Ipinahayag ito ni Pangulong Marcos sa harap ng mga benepisyaryo ng Comprehensive Social Benefits Program sa punong himpilan ng Armed Forces of the Philippines sa Camp Aguinaldo sa Quezon City, kaugnay sa paggunita ng Araw ng Kagitingan.

Matapos na pangunahan ang Day of Valor rites sa Bataan, nitong Miyerkules ng umaga ay tumuloy at pinangungunahan din ni Pangulong Marcos ang seremonya sa Camp Aguinaldo para sa mga benepisyaryo ng Comprehensive Social Benefits Program.


Ang programang ito ay isang government initiative na magbibigay ng iba’t -ibang uri ng benepisyo at tulong sa mga pamilya o ‘uniformed personnel’ na nasawi at nasugatan habang natupad ng tungkulin.

Ayon sa Pangulo, lubha siyang nalungkot nang malaman na naantala ang pagkakaloob ng dapat sanang benepisyo nang dahil lamang sa “complicated documentary requirements.”


“Kaya’t nagtanong po ako at tinatanong ko sa kanila, ‘Ito bang mga benepisyo na ating ipinapangako sa mga nagseserbisyo para sa atin ito ba ay nabibigay nang tama? Ito ba ay nabibigay nang mabilis?’ Eh medyo nalungkot ako dahil ang sagot, ‘Hindi pa. Hindi p naibigay,’” pahayag pa ng AFP commander- in- chief.

Napag-alaman na nadismaya ang Pangulo nang malaman niyang delayed ang pagkakaloob ng benefits sa pamilya ng mga ‘men in uniform’ na nasawi sa pagtupad ng tungkulin dahil sa mahabang proseso na pinapatagal pa ng mga kumplikadong documentary requirements, kaya ipinag-utos nito na pabilisin ang release sa pamamagitan ng streamlining sa proseso.


“Kaya’t ang aming ginawa ay sabi ko kami na, tayo na ang magbuo ng mga dokumento. Tayo na ang mag-ayos ng kanilang mga pangangailangan upang maging mas makabuluhan ang ating selebrasyon sa Araw ng Kagitingan, upang mas mabibigyan ng kahulugan ang ating ginagawa ngayong araw na ito. Dapat sa araw na ito maibigay na natin,” ayon sa Pangulong Marcos.

May 62 beneficiaries ang sumaksi sa paggunita ng Day of Valor sa Camp Aguinaldo na kinabibilangan ng pamilya ng mga uniformed personnel mula sa AFP, Philippine National Police, Philippine Coast Guard at Bureau of Fire Protection na nasawi in line of duty.

Sila ay nakatakdang pagkalooban ng P500,000 at karagdagang P100,000 na magmumula naman sa Office of the President .

Kaugnay sa nasabing okasyon ay nanawagan ang Pangulo sa lahat ng mga Pilipino na igalang ang pamana ng mga pambansang bayani sa pamamagitan ng pagpapakita ng pakikiramay, kabaitan at pagiging hindi makasarili .

Hindi umano kailangang magbuwis ng buhay para maging bayani para sa bayan at para sa kapwa tao.

“Valor is not solely about strength and resolve in the face of adversity but also about small acts of compassion, generosity and kindness that create meaningful ripples of positive change in our communities.” aniya.

Tags: Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Romeo Brawner Jr., Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos

You May Also Like

Most Read