Patay ang usang 28-anyos na babae matapos pagbabarilin ng di nakikilalang gunman habang naglalakad pauwi sa kanilang bahay kahapon ng umaga sa Tondo, Maynila.
Kinilala ang biktimang si Jan Marini Cruz, taga 301 Simoun St. Tondo, na nasawi dahil sa limang tama ng bala sa iba’t- ibang bahagi ng katawan.
Ayon kay PMSg John Kevin Zuñiga, imbestigador ng Manila Police District -homicide section, naganap ang insidente alas 5:45 ng umaga sa harap ng bahay ng biktima.
Nabatid kay Camille Crisostomo, kaibigan ng biktima, na nagtatapon siya ng basura nang makita ang biktima na inihatid sa eskuwelahan ang kanyang anak.
Pabalik na sa kanilang bahay ang biktima nang dumating ang suspek na nakasuot ng kulay itim na jacket at bullcap at kaagad na pinagbabaril ang biktima.
Nang mapuruhan ang biktima, mabilis na tumakas ang suspek patungo sa direksiyon ng Trinidad Street ,habang isinugod naman ng kanyang kaanak ang biktima sa Tondo Medical Center.
Inaalam ng pulisya ang motibo ng pagpaslang sa biktima.














