Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ang seremonya kaugnay ng pagdiriwang ng Pambansang Araw ng mga Bayani kahapon na sinimulan ng flag-raising ceremony sa Libingan ng mga Bayani sa Fort Bonifacio, Taguig City.
Kasama si Armed Forces chief of staff General Bartolome VO Bacarro ay nag-alay rin ng bulaklak ang Pangulong Marcos sa Tomb of the Unknown Soldier na nag-alay ng kanilang buhay para matamasa ng bansa ang kalayaan, kapayapaan at seguridad na mayroon tayo ngayon.
Kaugnay sa paggunita ng National Heroes Day ay hinimok ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang mga Pilipino na “maging mga bayani sa ating sariling karapatan,” bilang pagbibigay pugay sa mga magsasaka, manggagawang pangkalusugan, beterano, negosyante, at guro, bukod sa iba pa sa “Araw ng mga Bayani.”
“We are Filipinos — a people destined to greatness,” ani Marcos sa kanyang mensahe para sa National Heroes’ Day.
“Sa ating pagdiriwang sa araw na ito na iniaalay sa mga bayani ng ating bansa, sikapin nating tuparin ang ating sariling pangako upang tayo rin ay maging bayani sa ating sariling karapatan at pagmulan ng pagmamalaki at inspirasyon para tularan ng susunod na henerasyon ng mga Pilipino,” dagdag pa ng commander- in- chief.
Dumalo sa nasabing seremonya sina House Speaker Ferdinand Martin Romualdez; DND OIC Senior Undersecretary Jose Faustino Jr.; Taguig City Mayor Maria Laarni Cayetano; Chairperson of the National Historical Commission of the Philippines, Dr. Rene Escalante; lahat ng AFP Major Service Commanders; Chief PNP; Commandant, Philippine Coast Guard; Filipino veterans at members ng mga Diplomatic Corps.
Kaugnay nito, inihayag naman ni Jose C. Faustino, Jr., Senior Undersecretary/OIC Department of National Defense, na “we cannot free ourselves unless we move forward united in a single desire. “Thus, during these times, we must show courage and strength in the face of challenges and remain united as we move forward in attaining peace and progress for our motherland. Mabuhay ang mga bayani ng nakaraan, at pagpalain ang lahat ng mga bayani ng kasalukuyan. Hangad kong mas marami pang umusbong na mga bayani sa hinaharap.”
Ang National Heroes’ Day ay pagkilala sa sakripisyo ng mga Pilipinong nag-alay ng kanilang mga buhay para maibalik at ma-preserba ang kalayaan ng Pilipinas at isa ito sa mga pinakamatandang public holidays sa Pilipinas na unang naisabatas noong 1931 sa pamamagitan ng Act No. 3827. (VICTOR BALDEMOR)