Ikinagalak at malugod na tinatanggap ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) ang appointment ng dating Defense Secretary Delfin N. Lorenzana bilang bagong chairman ng Board of Directors ng ahaensiya.
Nanumpa si Lorenzana sa kanyang tungkulin sa harap ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. noong nagdaang Huwebes, Hulyo 7. Hinirang ang dating kalihim ng DND na kapalit ni Gregorio Garcia, na isang appointee ni dating Pangulong Rodrigo R. Duterte.
Naniniwala ang pamunuan ng BCDA na malaki ang gagampanan ng dating DND Secretary sa kanilang tanggapan bunsod ng kanyang malawak na karanasan sa paglilingkod sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at sa Kagawaran ng Tanggulang Pambansa .
Ngayon pa lamang ay matitiyak na umanong higit pang isusulong ni Lorenzana ang kapakanan ng Filipino soldiers at epektibong isusulong ang modernisasyon ng militar. Ito ay nagpapanday sa mas malalim at mas malakas na koneksyon sa pagitan ng BCDA at ng mga pangunahing stakeholder nito.
Nagpapasalamat din ang BCDA kay dating BCDA Chairman Garcia sa kanyang mahusay na serbisyo. Ang kanyang napakahalaga kontribusyon ang nagdala sa BCDA sa mas mataas na level sa nakalipas na anim na taon.
“He breathed life into BCDA mantra of “helping strengthen the Armed Forces of the Philippines while building great cities” ayon pa sa BCDA.
Ang BCDA ay nilikha sa ilalim ng Republic Act 7227, Ito ay isang korporasyong pag-aari at kontrolado ng gobyerno na ginagawang sentro ng pagpapalago ng ekonomiya ang mga dating base militar.
Inilalaan ang pinakamalaki bahagi ng disposition income ng BCDA para sa AFP Modernization Program.
Umabot sa record-high ang kabuuang kontribusyon ng BCDA sa AFP sa ilalim ng nakaraang administrasyon na umaabot sa P25.01 bilyon.
Ang kumpanya ng estado ay gumagawa din ng mga makabuluhang hakbang sa ilalim ng programang Build Build Build, kasama ang pagkumpleto ng mga world-class na proyektong imprastraktura, kabilang ang unang yugto ng National Government Administrative Center sa New Clark City at ang pagbubukas ng Clark International New Passenger terminal. (VICTOR BALDEMOR)














