Isinusulong ni Congressman Rolan ‘CRV’ Valeriano (2nd district, Manila) ang panukalang batas na layong ipasara lahat ng mga online gambling operator na aniya ay mistulang mga buwitre at ahas na nanlalansi sa mga mahihirap gamit ang huwad na pag-asa sa anyo ng betting apps. Total ban, ika nga.
Kaugnay niyan ay pinupuri naman ni Rep. Valeriano ang Bangko Sentral ng Pilipinas sa inisyatibo nitong magbalangkas ng isang bagong circular na naglalayong tugunan ang isyu ng online gambling, kasunod ng kanyang pahayag noong June 24 kung saan ay nanawagan siya sa BSP na ipagbawal ang anumang uri ng ‘electronic payment systems’ at e-wallets bilang mga instrument o daaan para sa online gambling.
Aniya, alam niya na ang kilos ng BSP ay limitado kung saan ito ay maari lamang gumalaw ayon sa dikta ng mga batas at hindi sila maaring lumagpas dito.
Maari nilang itaas ang edad ng mga maaring magsugal, itaas and halaga ng ‘minimum bets’ o pinakamababang pusta, magtalaga ng ‘bet ceilings’ o pinakamataas na pusta at magpatupad ng mas mahigpit na “know your customer” standards. Gayunman, lahat ng ito ay kayang lusutan sa panahon ngayon.
Ipinapayo niya sa BSP na tiyaking ang mga gambling operators ay gagamit ng e-payments at e-wallets onsite o sa mismong gambling venue o pinaggaganapan ng sugal at hindi ‘offsite.’
Dapat umanong ipagbawal ng BSP ang local e-payments at e-wallets sa pagli-link up sa mga foreign gambling operators na walang lisensiyang mag-operate sa Pilipinas.
Ani CRV, grabe na ang negative social impact ng sugal kung saan bawat bahay na mayroong may cellphone ay pupuwede nang magmistulang casino.
Sa kanyang inihaing House Bill 1455, dahil naniniwala siya na anumang uri ng mahigpit na regulasyon ay hindi na uubra.
Maging ang mga kabataan umanong addict sa sugal ay nagagawang engganyuhin ang mga nakatatanda na magparehistro para sa kanila, gamit ang mga valid ID at tapos, ang buong pamilya ay maari nang gumamit ng online gambling apps. Mas ‘techie’ ang mga kabataan kaya mas magaling silang makakita ng paraan para paikutan ang “know your customer” measures.
May punto si Rep. Valeriano. Ang bawat tahanan ay may average na isa o dalawang miyembro na may cellphones na maaring magamit sa online gambling.
Habang may mga kaparehong proposals na gusto ay itaas ang pusta sa pag-aakalang ito ang paraan para di makasali ang mga menor de edad, sinabi ni Valeriano na ang ‘minimum bet limits’ ay napakadali lamang malusutan.
Aniya, pagsasama-samahin lang ang pera ng mga manunugal at gamitin ang isang account o isang cellphone.
“The National Telecommunications Commission should already be blocking the broadband transmissions of the illegals. Those can be banned from our airwaves and broadband spectrum without a new law. The NTC is powerful enough to do it,” ayon pa sa panukalang batas.
Aniya, ang mga manunugal na gustong magsugal ay dapat na sa mga casino magtungo o sa ibang onsite venues.
“Walang totoong nananalo sa sugal. ‘Yung mga sinasabing nakabili ng motor dahil sa sugal, dati silang naka-kotse. Ligal man o iligal, parehong sugal pa rin ‘yan na sumisira ng pamilya. Walang pinipiling edad ang online gambling, mapa-bata o matanda. Malala na ito. Adiksyon na. Dapat nang ihinto dahil masyado nang malaki ang negative social impact,” pagbibigay-diin pa ni Valeriano.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.














