Isang 6-taong gulang na batang lalaki ang patay habang sugatan naman ang kanyang ama sa isang sunog na sumiklab sa kanilang tahanan sa Antipolo City nitong Sabado ng gabi.
Na-trapped sa loob ng kanilang nasusunog na tahanan ang biktimang si Austin Pelominor dahil kasalukuyan umano itong natutulog nang sumiklab ang apoy.
Samantala, kasalukuyan pang ginagamot sa Amang Rodriguez Hospital ang kanyang ama na si Alberto, na nasugatan matapos tangkaing iligtas ang kanyang anak.
Batay sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), dakong alas-9:20 ng gabi nang sumiklab ang sunog sa tahanan ng mga biktima na matatagpuan sa Zone 9, Lower Villa Grande, sa Barangay Cupang.
Mabilis na kumalat ang sunog sa mga katabing tahanan at umabot sa ikalawang alarma bago tuluyang naapula dakong alas-11:00 ng gabi.
Sa pagtaya ng BFP, aabot sa 10 pamilya o 67 indibidwal ang apektado ng sunog, na tumupok sa tinatayang nasa P750,000 halaga ng mga ari-arian.
Inaalam pa ng mga imbestigador ang pinagmulan ng sunog.