ISINAILALIM sa medico-legal examination ang natagpuang bangkay ng isang batang babae na hinihinalang biktima ng rape- slaying makaraang madiskubre ito sa bahagi ng Mabiret River sa Santiago City sa Isabela.
Hinihinalang hinalay ang bata dahil wala itong suot na pang-ibaba nang matagpuan ng isang naglalaba sa ilog nitong Miyerkules ng umaga.
Base sa inisyal na pagsisiyasat ng Santiago City Police Station 3, isang lalaking naglalaba umano sa ilog sa bahagi ng Barangay Baluarte ang nakakita sa bangkay ng bata na itinatayang nasa 10-taong gulang.
Nakasuot ito ng itim na T-shirt pero walang saplot pang-ibaba kaya hinala ng mga awtoridad na biktima siya ng panghahalay kaya hiningi nila ang permiso ng mga magulang nito na sumailalim sa awtopsiya ang bangkay upang matukoy kung hinalay nga ito at para magamit din sa pagsasampa ng kaso laban sa hindi pa nakikilalang suspek. (VICTOR BALDEMOR)