BASTOS NA OPISYAL NG LOYOLA SUCAT, DAPAT PALITAN

By: Jerry S. Tan

Nitong nakaraang Mayo 10, nagreklamo sa tanggapan ng Loyola Memorial Park sa Sucat, Paranaque ang kaanak ng mag-asawang nakalibing doon dahil inabutan niyang binaboy ang puntod ng kanyang mga magulang.

Ang mismong lapida ay tinabunan ng mga kwadradong lumang bermuda na tinastas mula sa katabing puntod. May mga kasama ring basura at tuyong dahoon.

Nagmamadaling kinamay ng kaanak ang mga inabutang basura para hanapin ang lapida kung andun pa, hanggang sa dumaan ang caretaker na si Andrew dela Cruz at nagkusang-palo na tumulong sa pamamagitan ng paggamit ng pala para alisin ang mga nakatabon na basura, mga kwadradong bulok na bermuda at dahon. Pagtapos niyan, nang lumitaw ang lapida ay binuhusan niya ito ng tubig, bago naglagay ng kalso sa ilalim ng lapida para umangat itong muli.


Mula doon ay nagtungo ang kaanak sa tanggapan ng Loyola management para magreklamo.

Pagpasok niya ng opisina ng management ay nakaharap niya ang isang David Sarmiento na nagtanong kung ano ang kailangan niya. Laking gulat nito nang sa gitna ng kanyang reklamo ay pasarkastikong nagsalita si Sarmiento ng ‘kalma lang, kalma’ na nagpapakitang hindi nito nauunawaan ang damdamin ng isang anak na inabutang binaboy ang puntod ng kanyang mga magulang.

Ikinagulat pa ng nagrereklamo nang sabihin ni Sarmiento na normal daw na pag me nililibing eh natatabunan ang katabing puntod, Sagot ng nagrereklamo na bakit kailangang sa puntod itambak ang mga inalis na lupa gayung may mga bakanteng lote at kalsada na kung saan puwede itong ilagay.

Nakakagulat na kunsintido pala ni Sarmiento ang pambababoy ng ibang puntod kapag me libing, gayung pwede at dapat itong iwasan bilang respeto sa patay.


Maya-maya pa ay dumating ang supervisor na si Ruby Grace Lagrama at sinamahan ang nagrereklamo sa nasabing puntod para alamin ang nangyari. Paulit-ulit itong humingi ng dispensa nang makita ang kalunos-lunos na sinapit ng nasabing puntod.

Dumating si Sarmiento pero hindi para humingi ng pasensiya o alamin ang nangyari kundi para magmando-mando kuno kay Lagrama na mas alam naman ang ginagawa kung sa kanya lamang.

May gana pang manita si Sarmiento sa nagrereklamo dahil bakit daw ang term eh ‘binalahura’ ang puntod ng kanyang magulang. Wala atang mata si Sarmiento o me kulaba o sadyang baboy lang din kaya para sa kanya ay hindi pa balahura ‘yung kanyang nakita.

Marami pang lumabas sa bunganga ni Sarmiento na pambabastos sa kliyente ng Loyola. Una, lalaki siya at babae ang kanyang kaharap. Pangalawa, may kasabihang ‘the customer is always right’ na ina-apply kapag mali ang kliyente. Sa kasong ito ay talaga namang nasa tama ang kliyente.


Pangatlo, wala ni isang salitang ‘pasensiya na’ na namutawi sa bibig nito at sa halip ay binigyang-katwiran pa na di maiwasang ‘mababoy’ ang mga puntod kapag me naglilibing. Tama ba ‘yun?

Aba’y mabuti pa ung isa sa mga tagalinis ng puntod na si Andrew. Di man siya ang may kagagawan ay humingi ito ng pasensiya hindi lamang sa kaanak na inabutan niyang kinakamay ang mga dumi para alisin sa ibabaw ng lapida kundi maging sa mga nakalibing doon. At wala itong hininging kapalit.

Sa panig naman ng bisor na si Lagrama, di rin mabilang ang paghingi nito ng dispensa sa nangyari at ipinalinis pa niya ang buong puntod pagka-alis ng nagrereklamong kaanak.

Itong sii Sarmiento, sa halip na aluin ang kliyente, unawain at magpakita ng simpatiya, lalo pang ginalit ang kliyente sa pamamagitan ng mga bastos niyang kilos at pananalita na tila walang pakialam sa sakit na nararamdaman ng isang anak na inabutang binaboy ang puntod ng kanyang mga magulang.

Sabagay, hindi lahat ng anak ay may pakialam sa magulang. Itong si Sarmiento, obligado siyang magkaroon ng pakialam dahil kliyente ng Loyola na nagpapasuweldo sa kanya ang nagrereklamo.

Ang dapat sa kanya, i-assign na taga-ayos ng mga puntod para puro patay ang kaharap niya at di iindahin ang kanyang kabastusan. Di siya pupuwede sa opisina na humaharap sa mga buhay na me damdamin, lalo na ‘yung mga may reklamo dahil imbes na ayusin niya ang problema ay dinadagdagan pa niya.

Sino kaya ang nagpuwesto sa kanya? Dapat ang inilalagay sa ganyang sensitibong puwesto ay ‘yung may simpatiya sa kliyente at may malasakit sa kompanya.

***

Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.

Tags: double tap, jerry s. tan

You May Also Like

Most Read