BARMM PARLIAMENT, DAPAT MALAYANG MAKAPILI NG KANILANG MGA PINUNO

By: JESSE RUIZ

Inihayag ni Presidential Peace Adviser Mel Senen Sarmiento na dapat maging malaya ang mga miyembro ng bagong halal na Bangsamoro Parliament sa paghirang ng kanilang mga pinuno, kabilang ang kung sino ang magsisilbing regional executive.


“Ang mga natamo sa prosesong pangkapayapaan ay dapat nang isulong sa pamamagitan ng parliamentaryong proseso.Dapat maging malaya ang mga Miyembro ng Parlyamento na pumili ng kanilang mga pinuno at magpasya kung sino ang mamumuno sa sangay ng ehekutibo. Ang paggalang sa pagpiling iyon ay “nagpaparangal sa esensya ng awtonomiya at sariling pagpapasya (self-determination), pati na rin sa tiwalang ipinagkaloob ng mga botante sa kanilang mga kinatawan,” aniua.

Inilarawan ni Sarmiento, na siya ring tagapangulo ng Peace Implementing Panel ng pamahalaan, ang halalan noong Setyembre 14 sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) bilang “matagumpay at mapayapa.”

Sabi pa ng kalihim, “Maliwanag ang ating tungkulin: igalang ang kagustuhan ng mamamayan at panatilihin ang kapayapaang pinalalakas at pinagsumikapan nilang makamit.”


Hinimok niya ang mga nahalal na pinuno na bumangon mula sa pagkahati hati ng dahil sa pulitika at ilagay ang kapakanan ng mamamayang Bangsamoro “sa gitna ng bawat desisyon.” Ang malusog at magalang na debate ay nagpapatibay sa demokrasya, aniya, ngunit “ang mga pagkakaiba ay hindi kailanman dapat maging balakid sa paglilingkod sa ating mga komunidad.”

Hindi binanggit sa pahayag ang pangalan ng alinmang partido o kandidato para sa punong ministro (chief minister). Inilabas ito kasunod ng pagtatapos ng National Peace Consciousness Month, sa panahon na ginugunita ng bansa ang Indigenous Peoples Month.




Dumating ito dalawang araw matapos maglabas ng isang manipesto ang 10 sibil na organisasyon sa Bangsamoro na humihimok kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na huwag manghimasok sa pagpili ng susunod na chief minister at ipagkatiwala na lamang ang pagpili sa nahalal na Parlyamento.

Ang Parlyamento na binubuo ng 80 miyembro ay ipinahayag noong Setyembre 16, ilang sandali bago maghating gabi. Ipinakita sa mga talaan ng canvass na 2,018,478 botante ang bumoto, na katumbas ng 84.34 porsyentong turnout.


Sa 40 pwesto ng rehiyonal na partido, nanalo ang Bangsamoro Federalist Party ng 16, ang United Bangsamoro Justice Party ng 15, ang BARMM Grand Coalition ng walo, at ang Raayat Democratic Party ng isa. Ang mga kinatawan naman ng distrito at sektor ang humahawak sa mga natitirang pwesto.

Ang halalan noong Setyembre 14 ang kauna-unahang regular na parlamentaryong halalan sa BARMM, na ginanap 12 taon matapos ang pagpirma sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro.



Tags: Presidential Peace Adviser Mel Senen Sarmiento

You May Also Like

Most Read