BARILAN SA MAYNILA, ISA PATAY, DALAWA SUGATAN

Ni Itchie G. Cabayan

ISANG lalaki ang nasawi habang sugatan naman ang dalawa sa naganap na pamamaril matapos magresponde ang isang pulis- Maynila sa insidente ng barilan, kamakalawa ng madaling araw sa may kanto ng Cavite at Alcalde Street sa Brgy. 171, Gagalangin Tondo, Maynila.


Sa ulat ng Manila Police District -Station 1, naganap ang barilan dakong alas- 2 ng madaling araw sa nabanggit na lugar.

Napag-alaman kay PSSg Rommel Almodal ng MPD-PS1 na una umanong pinagbabaril ang biktimang si Angelo Pidlaoan,32 at residente ng 753 Interior 57 Raxabago St, Barangay 155, Tondo, Maynila ng suspek na si Roberto de Guzman, 27, ng No. 617 Francisco St., Barangay 86, Tondo, Maynila.

Narinig umano ni PCpl. Greagan Ronnel Aga ng Don Bosco Police Community Precinct ang pamamaril at kaagad niya itong pinuntahan at inabutan sa akto si De Guzman na pinagbabaril ang biktima na tinamaan sa iba’t- ibang bahagi ng katawan at agarang nasawi dahil sa tama ng bala.


Sinigawan umano si Aga si De Guzman ng “pulis ito, itigil mo ‘yan!” pero sa halip na tumigil ay tinangka pa umano nitong barilin ang pulis, kaya kaagad itong gumanti ng putok at tinamaan sa tiyan si De Guzman.

Mabilis na sumakay ng motorsiklo ang isa pang suspek na si Jhiro Beninsiga, 27, ng No. 2137 Lorenzo St., Brgy. 221, Tondo, Manila, nang makita niyang nabaril ang kanyang kasama. Gayunman, tinamaan rin ito sa likod nang barilin ng pulis na humahabol sa kanya.




Samantala, parehong nakaratay sa Tondo Medical Center ang dalawang suspek na nahaharap na ngayon sa kasong murder.


Tags: Manila Police District - Station 1

You May Also Like